MANILA, Philippines – Nagpasok ang Sandiganbayan First Division ng “not guilty” plea para kay Sen. Rodante Marcoleta matapos siyang tumangging magsumite ng plea sa isa sa kanyang tatlong kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo at sa mga pribadong indibidwal na magbigay nito.
Ayon sa abogado ni Marcoleta na si Moises Tolentino Jr., tumanggi ang senador dahil may mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema.
“His (Moises) client refuses to enter a plea of not guilty because there are pending petitions before the Supreme Court,” ayon kay Associate Justice Maria Theresa V. Mendoza-Arcega, chairperson ng Sandiganbayan First Division.
“However, the court enters a plea of not guilty on part of accused Marcoleta,” dagdag pa niya.
Tumanggi namang ipaliwanag ni Tolentino ang detalye ng mga petisyon at sinabing pinag-aaralan pa ito ng kanilang mga abogado.
Nahaharap si Marcoleta sa tatlong kaso ng paglabag sa PD No. 46 kaugnay ng umano’y campaign donation para sa kanyang kandidatura sa Senado noong nakaraang taon. Ang dalawa pa niyang kaso ay nasa Third Division at Fourth Division ng Sandiganbayan.
Nahaharap din siya sa kasong plunder na hindi maaaring piyansahan kasama sina Mike Defensor, Joseph Espiritu, at Aristotle Viray kaugnay ng P75 milyong campaign donation na umano’y natanggap habang siya ay nakaupong party-list lawmaker at hindi idineklara sa kanyang financial at campaign disclosures.
Sa naturang halaga, P30 milyon ay mula kay Defensor, P25 milyon kay Espiritu, at P20 milyon kay Viray. RNT/MDS