MANILA, Philippines – Umabot sa 150 kabataang Manileño ang pormal na tinanggap sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES) matapos pangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang contract signing nitong Lunes, Agosto 3, bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng trabaho at dagdag-kabuhayan sa mga estudyante at out-of-school youth.
Kasama ni Domagoso sa seremonya sina Vice Mayor Chi Atienza, SK Federation President Councilor Juliana Rae “Yanyan” Ibay, Manila Youth Bureau Director John Daniel Layno, at PESO Acting Manager John Hiroshi Umeda Jr.
Pinuri ni Atienza ang programa at sinabi na malinaw itong patunay ng malasakit ng alkalde sa kabataang Manileño.
“Itong programang ito ay nagpapakita na tunay na may malasakit ang ating alkalde sa inyo. Dahil para sa kanya, importante na mabigyan ng oportunidad ang lahat ng sektor dito sa Maynila, kasama na kayong mga kabataan,” ani Atienza.
Ayon naman kay Domagoso, layunin ng 11-araw na employment program na mabigyan ng dagdag na kita ang mga estudyante upang makatulong sa kanilang gastusin sa pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan.
“Ang layunin natin sa programang ito ay makapagbigay ng extra income, lalong-lalo na sa mga nag-aaral at mga out-of-school youth,” pahayag ng alkalde.
Idinagdag pa ni Domagoso na bahagi ito ng mas malawak na programa ng kanyang administrasyon upang matugunan ang Minimum Basic Needs (MBN) ng mga Manileño, kabilang ang pabahay, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at hanapbuhay.
Ibinida rin ng alkalde ang planong pagtatayo ng limang-palapag na gusali para sa College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na inaasahang makapagbibigay ng espasyo sa hanggang 5,000 mag-aaral na nagnanais maging mga doktor.
Sa pamamagitan ng mga programang pang-empleyo at pang-edukasyon, sinabi ng pamahalaang lungsod na patuloy itong namumuhunan sa kinabukasan ng kabataang Manileño at sa paglikha ng mas maraming oportunidad para sa bawat pamilya sa Maynila. JAY REYES