Home NATIONWIDE PAGASA: Malalakas na ulan mararanasan sa bagyong Luis, pinalakas na Habagat

PAGASA: Malalakas na ulan mararanasan sa bagyong Luis, pinalakas na Habagat

3
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang PAGASA na magdadala ang Tropical Depression Luis ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon bago ito humina, habang ang bagyong “Dolphin” ay inaasahang magpapalakas sa habagat, na maaaring magdulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga susunod na araw.

Ayon kay PAGASA weather specialist Charmagne Varilla, pinakamalakas ang inaasahang ulan sa Pangasinan, na maaaring makatanggap ng mahigit 200 millimeters ng ulan. Inaasahan ding makararanas ng malakas hanggang matinding ulan ang La Union, Zambales, Tarlac, at Bataan, habang Cordillera, Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila, Cavite, at Batangas ay maaari ring makaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

“Posible ang mga localized flooding and landslide, lalong-lalo na nga sa mga areas na may very high to high susceptibility,” babala ni Varilla.

Huling namataan si Luis 180 kilometro silangan ng Echague, Isabela, na may lakas na 45 kph at pagbugsong hanggang 55 kph. Posible itong mag-landfall sa Cagayan-Isabela area mula Lunes ng gabi hanggang madaling-araw ng Martes.

Inaasahan ding hihina si Luis at maaaring maging low-pressure area (LPA) pagsapit ng Miyerkules.

Nanatili ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora.

Sinabi rin ni Varilla na may mataas na posibilidad na magpatuloy ang habagat hindi lamang ngayong linggo kundi pati sa susunod na linggo, at maaaring magdulot ng malalakas na ulan sa malaking bahagi ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas.

“Not only within this week, posible po na magtuloy-tuloy yung habagat po natin hanggang sa succeeding week pa po,” sabi ni Varilla.

Samantala, ang Typhoon Dolphin, na may lakas na 155 kph at pagbugsong hanggang 190 kph, ay maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa.

“Kung papasok man, more on dito lang sa may northern periphery ng ating PAR. Ngunit, wala itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng ating bansa,” paliwanag ni Varilla. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here