Ganito kung ilarawan ng Malakanyang ang nasa likod ng sexual at character assassination plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Napaulat na sinet-up ang isyu ng sex scandal laban kay Recto sa pangunguna di umano nina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jing Paras.
“Ito ay isang karimarimarim, hindi katanggap-tanggap, hindi makatao, makasarili, power hungry, gawaing paggawa ng intriga, pagplanta ng ebidensiya,” ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Winika ni Castro, ang ganitong insidente umano ang iniiwasan ng pamahalaan kaya nga aniya “mayro’n tayong tinatawag na due process. Proseso ang pinapatupad ng pamahalaan, ng administrasyon, ni Pangulong Marcos, Jr.”
Matatandaang nakatakda nang hainan ng subpoena ang dalawa ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag noong Hulyo 31.
Nag-ugat ito nang matiklo ng NBI sa isang entrapment operation ang talent manager na si Lito de Guzman at lima pang mga babae.
Kinanta ni De Guzman sa NBI na nakipagtransaksyon sa kaniya si Paras para kumuha ng mga babae na gagawa ng fabricated statement na magsasabing pinuwersang makipagtalik ang mga ito at pinagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ani Matibag, dapat daw na magpaliwanag sina Leviste at Paras sa isyung ito sa halip na maglabas lang ng mga pahayag sa social media.
Kaya nga, hayagang sinabi ni Castro na malinaw na hindi ang administrasyong Marcos ang nagpapagulo sa bansa.
“Sino ngayon ang nagpapagulo sa bansang ito?… Definitely, hindi ang Pangulong Marcos Jr.,” ayon kay Castro.
Samantala, nang tanungin naman si Castro kung naniniwala ang Malakanyang na ang sinasabing di umano’y plot ay kinasasangkutan pa ng ibang personalidad bukod sa mga naunang natukoy, sinabi ni Castro na nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang NBI ukol sa usaping ito. (KRIS JOSE)