MANILA, Philippines – Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pamamaril sa 29-anyos na mister at dalawa niyang paslit na anak sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Malabon City.
Pawang nasa mabuti ng kalagayan ang biktimang si alyas “Kime”, pati ang 3-anyos niyang anak na lalaki at 10-buwang sanggol na lalaki matapos magamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang hita, kaliwang hita at kanang paa.
Lumabas sa imbestigasyon ng Malabon City Police Station, sumakay ang mag-aama sa isang pampublikong jeepney sa Hulong Duhat dakong alas-4:40 noong Biyernes ng hapon at habang tinatahak ang kahabaan ng C. Arellano St. hinarang sila ng kulay maroon na Toyota Vios na walang plaka.
Bumaba ang dalawang sakay na ang isa ay nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, puting cap at facemask habang berdeng t-shirt, jersey na short at facemask ang suot ng isa bago pinagbabaril ang biktima na dahilan para madamay din ang dalawa niyang anak.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang mag-aama sa Ospital ng Malabon bago inilipat sa TMC.
Iniutos na ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang pagsasagawa ng follow-up operation para matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at maaresto ang mga ito habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril. (Merly Duero)