MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring makatanggap ng financial support ang mga delivery rider, ride-hailing, at transport network vehicle service (TNVS) driver sa ilalim ng Employees’ Compensation (EC) Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC).
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, saklaw ng programa ang sakit, aksidenteng pinsala, at kapansanan na may kaugnayan sa trabaho.
Mula pa noong Setyembre 2020, pinalawak ang saklaw ng EC Program upang isama ang lahat ng self-employed na miyembro ng Social Security System (SSS), kabilang ang mga independent workers at freelancers.
Ang EC Program ay nagbibigay ng mga benepisyo at serbisyo sa mga manggagawa at kanilang mga dependents kapag nagkaroon ng work-related sickness, injury, disability, o pagkamatay.
Upang maging kwalipikado, kailangang nakapagbayad ang self-employed worker ng hindi bababa sa isang buwang SSS contribution bago mangyari ang work-related illness, injury, o disability.
Maaaring ihain ang EC claim sa SSS ng mismong manggagawa o ng kanyang pamilya sa loob ng tatlong taon.
Hindi ibibigay ang benepisyo kung ang pinsala, sakit, kapansanan, o pagkamatay ay dulot ng pagkalasing, sinadyang pananakit o pagpapakamatay, o matinding kapabayaan.
Hinikayat ng ECC ang lahat ng self-employed platform workers na alamin ang kanilang eligibility at mag-apply para sa mga benepisyo ng EC Program. Ang listahan ng mga kinakailangang dokumento ay makikita sa mga website ng SSS at ECC. RNT/MDS