MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang alegasyon ng ‘selective justice’ matapos pagbigyan ng Sandiganbayan Third Division ang petisyon ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., para magpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Si Revilla ay nahaharap sa kasong malversation na hindi maaaring piyansahan, kaugnay ng umano’y ghost project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon sa Pandi, Bulacan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang ruling ay ginawa ng independent court at hindi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Ang pagdedesisyon po iyan, hindi po hawak ng Pangulo ang judiciary, alam natin na separation of powers,” ang sinabi ni Castro.
Binasura rin nito ang ulat na binibigyan ng special treastment ng administrasyon si Revilla dahil kinokonsidera itong kaalyado ng Pangulo.
“Kung iyan talaga ay may katotohanan at sasabihin natin may kamay ang Pangulo dito, hindi ba dapat hindi na lang siya sinampahan ng kaso, pero siya iyong naunang sinampahan ng kaso,” ang sinabi ni Castro.
“So walang logic, it doesn’t follow na siya ang unang pakakawalan dahil kaalyado,” aniya pa rin.
“Tandaan po natin, hindi lamang po si dating Senador Bong Revilla ang akusado rito. Siya lamang po ang nabigyan ng pagkakataon na makapag-post ng bail for temporary liberty. Iyong iba pong sangkot ay hindi po na-grant ang petition for bail,” aniya pa rin.
“Hindi po natin masasabi na hindi sapat ang naging trabaho ng Office of the Ombudsman at ng mga state prosecutors. Hindi ito gauge para sabihin na hindi sila nagtatrabaho,” dagdag na pahayag ni Castro.
Samantala, pinayagan ng Sandiganbayan si Revilla na magpiyansa ng P1M para sa kanyang malversation case ng kasong malversation na may kinalaman sa P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa Sandiganbayan, pinayagan si Revilla na makapagpiyansa dahil nabigo ang prosekusyon na magpakita ng matibay na ebidensya ng pagkakasala ng dating senador.
Nauna nang nagpasok ng not guilty plea si Revilla sa arraignment ng Third Division para sa kasong malversation, habang ang kanyang mga kapwa-akusado ay pawang nagpasok din ng not guilty plea. (KRIS JOSE)