MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na ipagtatanggol ng pamahalaan ang P85 kada araw na umento sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila matapos pansamantalang pigilan ng korte sa Pasig ang pagpapatupad nito.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na naghahanda ang Office of the Solicitor General na kuwestiyunin ang temporary restraining order laban sa Wage Order No. 27 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region.
“Ang Office of the Solicitor General ay ready naman po na ipaglaban po ang wage order na naipasa po para sa ating mga manggagawa,” ani Castro sa Palace press briefing nitong Lunes.
Iginiit ni Castro na bagama’t iginagalang ng administrasyon ang korte, dapat umanong naghain muna ng apela sa regional wage board ang mga kumukuwestiyon sa wage order.
“Lumalabas po kasi na ang dapat na naging remedyo ng sinuman na sanang may concern dito ay nagsampa ng apela sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board at hindi sana sa korte,” aniya.
Tumanggi ang Palasyo na sabihin kung maipatutupad muli ang umento matapos mapaso sa Agosto 13 ang 20-araw na TRO dahil nakabinbin pa ang usapin sa korte.
Sinabi rin ni Castro na suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas mataas na sahod sa pamamagitan ng umiiral na regional wage-setting mechanism habang wala pang naipapasang legislated wage hike ang Kongreso.
“Ang pagbibigay naman po ng tamang wage o suweldo sa ating mga manggagawa, ito naman po ay nais ng Pangulo… tuluy-tuloy po ang pagtatrabaho ng pamahalaan at ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board para matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan,” sinabi niya.
Nagpalabas noong Huwebes ang Pasig Regional Trial Court Branch 152 ng TRO matapos kuwestiyunin ng dalawang construction firm ang legalidad ng Wage Order No. 27.
Itinatakda ng wage order ang kabuuang P85 dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila. Naipatupad noong Hulyo 25 ang unang P60 tranche, habang nakatakda sa Enero 20, 2027 ang natitirang P25.
Iginiit ng mga petitioner na makaaapekto sa mga negosyo ang wage increase, habang sinabi ng pamahalaan na kailangan ito upang matulungan ang mga manggagawa sa tumataas na halaga ng bilihin. RNT