MANILA, Philippines – Nagpasok ang Sandiganbayan ng “not guilty” plea para kay Senator Rodante Marcoleta nitong Lunes matapos tumanggi ang senador na maghain ng plea sa isa sa tatlong kasong kriminal laban sa kaniya dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 46 o anti-gift law.
Kaugnay ang kaso sa umano’y P75 milyong hindi idineklarang donasyon na natanggap ni Marcoleta noong nagsisilbi pa siyang kongresista.
Sinabi ng kaniyang abogado na si Moises Tolentino Jr. sa Sandiganbayan First Division na tumanggi ang senador na maghain ng plea dahil sa mga nakabinbing petisyon sa Supreme Court.
“The accused, Senator Rodante Marcoleta, would like to inform the court that since there are pending remedies [before] the Supreme Court, he refuses to enter a plea for today’s arraignment,” ani Tolentino.
Dahil dito, ang korte na ang nagpasok ng not guilty plea para kay Marcoleta.
“However, the court enters a plea of ‘not guilty’ on the part of accused Marcoleta,” ayon kay Associate Justice Maria Theresa V. Mendoza-Arcega, chairperson ng First Division.
Nagpasok din ng not guilty plea ang kapwa akusado ni Marcoleta na si businessman Aristotle Viray. Ayon sa mga prosecutor, nagbigay umano si Viray ng P20 milyon kay Marcoleta noong party-list representative pa ito.
Noong Hulyo 22, nagpasok si Marcoleta ng not guilty plea sa kasong plunder at isa pang paglabag sa PD No. 46 sa Sandiganbayan Third Division matapos bawiin ng kaniyang kampo ang motion to quash sa plunder case.
Isinampa ng Office of the Ombudsman noong Hulyo 3 ang non-bailable plunder case laban kay Marcoleta kaugnay ng umano’y P75 milyong hindi idineklarang donasyon. Naghain din ito ng tatlong magkakahiwalay na kasong paglabag sa anti-gift law laban sa senador at sa kaniyang mga sinasabing donor. Santi Celario