MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHW), na mahalagang puwersa ng pamahalaan sa pangkalahatang kalusugan dahil palagi silang unang pinupuntahan sakaling magkaroon ng karamdaman.
Sa botong 20-0, inaprubahan ang pinagsanib na panukalang batas na naunang pinagtibay sa nakaraang Kongreso ngunit hindi natuloy.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, pangunahing awtor ng panukala, mahalaga ang papel ng barangay health workers sa kalusugan ng mamamayan dahil sila ang unang nilalapitan kapag mayroong may sakit, outbreak, o krisis, pero madalas ay sila rin ang huling nabibigyan ng suporta.
“Tutuldukan ng ipinasa naming Magna Carta of BHWs ang kakulangan ng suporta at benepisyo ng mga frontline health workers natin sa mga barangay,” ayon kay Hontiveros.
Sakaling maisabatas sa pamamagitan ng paglagda ng Pangulo, makakakuha ang mga BHW ng buwanang volunteer benefit na aabot sa P3,000, suportang pinansiyal sa transportasyon, hazard allowance, cash gift, loyalty incentive, insurance, libreng legal aid, at psychosocial at mental health services.
Nakatakda rin sa panukala ang probisyon para sa registration, certification, training, at patuloy na pag-aaral ng mga BHW, kabilang ang kanilang edukasyon, scholarship, civil service eligibility, plantilla positions, at pagkilala sa ilang taong serbisyo para sa retirement benefits.
“Sa ilalim ng Magna Carta of BHWs, sasaluhin ng national government, sa pamamagitan ng BHW Deployment Subsidy, ang bahagi ng gastos para sa mga benepisyo ng BHWs, lalo na sa mga LGU na hindi kayang pondohan ito,” ani Hontiveros.
“Tiniyak natin na walang LGU na maiiwan sa ere dahil lang kulang ang kanilang financial capacity kumpara sa ibang LGU.”
Pinangunahan naman ni Sen. JV Ejercito ang pagkakaapruba ng panukala noong nakaraang 19th Congress at ipinaliwanag ang kahalagahan ng barangay health workers.
“They are the frontliners. They are the first line of defense, ika nga, sa universal healthcare. Yung preventive side ay malaking bagay po ang barangay health workers. Kung hindi po ay mapapamahal tayo lalo kung hindi natin pangangalagaan ang preventive side at kung nandoon na ho tayo kapag nagkasakit na,” aniya.
Suportado rin ang panukala nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at mga Senador Bong Go, Joel Villanueva, Camille Villar, at Raffy Tulfo.
Ayon kay Cayetano, mahalaga ang Senate Bill No. 1905 dahil ang mga BHW ang naghahatid ng pangunahing healthcare at tumutugon sa mga hamon ng pambansang kalusugan tulad ng pagkabansot.
“The antidote, the real solution to stunting, has a lot to do with our barangay health workers,” aniya sa plenaryo.
“The passage of the measure is a giant step toward institutionalizing benefits for health personnel. He added that those working in community health centers are just as vital to the nation’s healthcare system as hospital administrators and specialists,” giit ni Cayetano.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Ejercito na kailangan nang mabigyan ng angkop na kompensasyon ang mga BHW at maisabatas ang proteksiyon sa kanilang tungkulin dahil kumikita lamang sila ng P500 kada buwan at napapalitan kapag nagpalit ng liderato sa barangay.
“They are the frontliners. They are the first line of defense… No honorarium or benefit can fully repay your service. But through this Magna Carta, we are sending a clear message that the government will not forget those who have cared for our people,” aniya.
Buo naman ang suporta ni Go sa panukala, kaya’t nanawagan ang senador sa mga kasamahan sa Mababang Kapulungan na pagtibayin ang katulad na panukala.
“As one of the authors and co-sponsors of this measure, we have consistently advocated for its passage to strengthen the welfare and well-being of our barangay health workers by ensuring that they receive the benefits, incentives, and support they rightfully deserve through the shared commitment of our local government units and the national,” ayon kay Go.
Suportado rin ni Tulfo ang panukala bilang co-author, sa pagsasabing dapat bigyan ng panangga ang mga BHW laban sa pamumulitika dahil krusyal ang kanilang papel bilang primary frontline healthcare providers sa local communities.
Gusto ni Tulfo na masakop ang mga BHW ng Government Service Insurance System (GSIS) at mapabuti ang kanilang mga benepisyo.
“For several years, my office has received complaints that job security remains a problem among barangay health workers, especially because of local politics and changes in leadership. Health workers deserve stability, dignity, and protection,” aniya.
Pabor din si Villanueva sa panukala at itinuturing niya ang mga BHW na “tahimik na bayani” sa barangay dahil sila ang unang pinupuntahan sakaling magkaroon ng emergency sa kalusugan.
“Strengthening the training, protection, and benefits of barangay health workers would also reinforce the country’s primary healthcare system and support the effective implementation of the Universal Health Care law by bringing quality healthcare services closer to every Filipino,” paliwanag ng senador. Ernie Reyes