Home NATIONWIDE Resolusyon para kilalanin makasaysayang WTA title ni Alex Eala, inihain sa Senado

Resolusyon para kilalanin makasaysayang WTA title ni Alex Eala, inihain sa Senado

3
0

PASAY CITY — Naghain si Sen. Mark A. Villar ng Senate Resolution No. 564 upang parangalan at batiin ang Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Maniego Eala sa pagkapanalo sa 2026 Mubadala DC Open.

Si Eala ang kauna-unahang Pilipinong propesyonal na tennis player na nagkampeon sa isang Women’s Tennis Association 500 Tour singles event.

Sa kaniyang pagmartsa patungo sa titulo, tinalo ni Eala sina Olympic champion Zheng Qinwen, defending champion Leylah Fernandez, World No. 10 Elina Svitolina, dating World No. 1 Naomi Osaka at World No. 3 Jessica Pegula, na nakaharap niya sa three-set championship match.

Dahil sa panalo, umakyat ang 21-anyos na si Eala sa World No. 20, ang pinakamataas na ranggong naabot ng isang Filipina sa kasaysayan ng WTA.

“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino. Isa ka nang kampeon, ngunit naniniwala akong marami ka pang maaabot. Kapag lumago, hindi na hihinto. Patuloy kang mangarap, magsikap, at ipagmalaki ang Pilipinas sa bawat laban,” ani Villar.

Ayon sa senador, bunga ng maraming taong sipag, disiplina at tiyaga ang pag-angat ni Eala, na nagbibigay-inspirasyon sa kabataang Pilipino na mangarap nang malaki at makipagsabayan sa pinakamahusay sa mundo.

Si Eala rin ang kauna-unahang Pilipinong nagkampeon sa Grand Slam junior singles noong 2022 at unang Pilipino sa Open Era na nanalo sa isang Grand Slam main-draw singles match. Isa rin siyang Asian Games medalist at Southeast Asian Games gold medalist.

“Ang higit na kahanga-hanga kay Alex ay ang kanyang karakter. Sa bawat panayam at pagharap sa publiko, makikita ang kanyang kababaang-loob, paggalang sa kanyang mga katunggali, at pagmamalaki sa Pilipinas. Patunay ito na isa siyang huwarang atleta at mabuting mamamayan,” ani Villar.

Naniniwala si Villar na simula pa lamang ang tagumpay ni Eala at mas marami pa itong mapapanalunang titulo, kabilang ang posibleng Grand Slam championship.

“Napakarami mo nang naabot, ngunit naniniwala akong simula pa lamang ito. Inaasahan naming mas marami ka pang mapapanalunang titulo at, balang araw, maiuuwi mo rin ang isang Grand Slam championship para sa Pilipinas. Ang buong sambayanang Pilipino ay nasa likod mo at ipinagmamalaki ang bawat tagumpay na iyong nakakamit. Congratulations, Alex, at vamos!” pagtatapos ni Villar.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here