MANILA, Philippines — Nanindigan nitong Martes ang mga mahistrado ng Sandiganbayan Third Division sa kanilang desisyong payagang makapagpiyansa si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong malversation kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis, iniharap ni Atty. Mon Esguerra, abogado ni Revilla, ang naunang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tila “trinabaho” ang pagkakaloob ng piyansa sa dating senador.
“[Yung sinabi] ni Jesus Crispin Remulla about yung fact na ‘trinabaho’ yung bail ni Senator Revilla… my express of concern is not a condemnation of what he said. It was more the effect that it has on the independence of integrity of the court,” sinabi ni Esguerra.
“I did not know where he (Remulla) was coming when he said that but he must have his reason… Kung lahat ng matatalo sasabihin ganon, sasabihin ganito, ‘wag na tayo pumunta sa husgado. Paano pa magtitiwala ang mga tao ngayon?” dagdag niya.
Sinabi naman ni Associate Justice Ronald Moreno na hindi niya itinuring na pananakot ang pahayag ni Remulla.
“I do not take offense in the statement given by the Ombudsman… this won’t be taken as intimidation on our end… hindi po ako natatakot. I stand by my resolution, and I stand with the evidence that will be produced in this case,” ani Moreno.
Ayon kay Moreno, sa mahigit 20 taon niyang paglilingkod sa hudikatura ay hindi siya kailanman naparatangang naimpluwensiyahan ng suhol o koneksiyon. Tinawag din niyang natural na reaksiyon ang pahayag ni Remulla matapos makita ng korte na hindi sapat ang lakas ng ebidensiya upang tanggihan ang piyansa.
“Ikaw ba naman yung mag-file nung kaso, sabi mo malakas yung kaso. When evaluated by the court, sabi mahina kaso mo… it’s just natural,” sinabi niya.
Sinabi rin ni Associate Justice Fritz Bryn Delos Santos, na bumoto pabor sa piyansa, na hindi niya personal na dinamdam ang pahayag ng Ombudsman.
“I think it’s a natural reaction. I know adjudication is not a popularity contest… that’s the public’s right to express themselves. For me, this is just part of the job,” ani Delos Santos.
Samantala, sinabi ni Associate Justice Karl Miranda, ang nag-iisang tumutol sa piyansa, na ginabayan ang kanilang desisyon ng mga prinsipyo ng honor, integrity at accountability. Binigyang-diin niyang ang bail petition pa lamang ang kanilang dinidinig at hindi pa ang merito ng kaso.
“We are viewing the same thing but maybe from different angles… but andon pa lang tayo sa issue ng bail,” ani Miranda.
Sa kaniyang programa sa radyo noong weekend, sinabi ni Remulla na inaasahan na niyang maaaring payagang makapagpiyansa si Revilla.
“We predicted this to happen… I was mentioning this… na mangyayari ‘yan, meron talagang mangyayari na mukhang tinatrabaho na magkaroon ng grant of bail. Pero that’s only a battle. We have to win the war as a country,” sinabi ni Remulla. Santi Celario