Home METRO NBI may Viber messages sa sinasabing planong idiin si Recto

NBI may Viber messages sa sinasabing planong idiin si Recto

1
0

MANILA, Philippines — Hawak ng National Bureau of Investigation ang mga Viber message na umano’y palitan ni dating kongresista Jing Paras at ng isang sinasabing talent manager kaugnay ng planong idiin si Executive Secretary Ralph Recto, ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Martes.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Matibag na mayroon din silang mga sinumpaang salaysay mula sa mga indibidwal na kinilala sa mga alyas na Jen at Ken.

“‘Yung other evidence… ‘yun pong exchange ng Viber messages ni Congressman Jing Paras at nitong talent manager,” ani Matibag.

“Kasi dineny so I want to hear them categorically deny under oath dito na hindi nila kilala ‘yung tao at walang pangyayaring ‘yun at walang planong ganoon,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng NBI na padadalhan ng subpoena sina Paras at Batangas Representative Leandro Leviste kaugnay ng alegasyon.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos sagipin ng NBI ang ilang babae mula sa umano’y human trafficking sa isang entrapment operation. Ayon kay Matibag, isa sa mga babae ang nagsiwalat ng umano’y plano habang pinoproseso sila ng mga awtoridad.

“Nu’ng pino-process na, sinasabi wala naman kaming illegal na gawa. Ano lang naman, wala naman kaming natanggap na pera. Eh, naka body-worn cameras ‘yung mga tao natin so may ebidensya talaga,” sinabi niya.

“Until, nagsalita na parang sabi niya baka naman ginigipit kami. Ito ba may kinalaman doon sa trabaho namin na pinapagawa sa amin tungkol kay Senator Ralph Recto,” dagdag niya.

Sinabi ni Matibag na itinuring na mga biktima ng trafficking ang mga babae at itinurn-over sa Department of Social Welfare and Development. Sumailalim naman sa inquest proceedings para sa qualified human trafficking ang umano’y talent manager.

Itinanggi nina Paras at Leviste ang mga alegasyon. Sa isang pahayag, sinabi ng abogado ni Paras na si Mark Kristopher Tolentino, “Our client categorically denies any involvement in any unlawful conspiracy or criminal activity. We are confident that, once all relevant facts are properly examined in accordance with law, the truth will prevail.” Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here