Home NATIONWIDE DepEd, walang isinumiteng dokumento sa ginastos na P112.5-M confi funds — saksi

DepEd, walang isinumiteng dokumento sa ginastos na P112.5-M confi funds — saksi

1
0

MANILA, Philippines — Walang isinumiteng supporting documents ang Department of Education para sa umano’y paggamit nito ng P112.5 milyong confidential funds noong 2023, ayon kay dating Commission on Audit Intelligence and Confidential Funds Office State Auditor Atty. Roderick Wamil.

Sa ika-12 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, ipinakita kay Wamil ang 2023 physical and financial plan ng DepEd na naglaan ng tig-P37.5 milyon para sa una hanggang ikatlong quarter ng taon. Kinumpirma niyang nilagdaan at inaprubahan ni Duterte, na noon ay Education secretary, ang dokumento.

Nakalaan sa plano ang P27.875 milyon para sa counter-insurgency programs, P30.2 milyon para sa abuse prevention and control within schools, P27.24 milyon para sa anti-illegal activities operations, at P27.185 milyon para sa anti-extremism at terrorism programs.

Nang tanungin ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan kung nagsumite ang DepEd ng mga dokumentong magpapatunay sa mga ginastos para sa naturang programa, sinabi ni Wamil na wala.

Hindi rin umano tinukoy ng ahensya ang mga partikular na confidential activity na pagbabatayan ng paggastos sa pondo.

Tinanong din ni Kapunan kung nagsumite ang DepEd ng listahan ng mga miyembro ng New People’s Army, komunista at leftist groups, o patunay na nabawasan nito ang recruitment ng mga guro at mag-aaral ng mga grupong komunista, na nakasaad bilang physical target ng counter-insurgency programs.

“Since hindi po naka-enumerate ‘yung kanilang specific confidential activities, hindi po naka-match ‘yung kanilang physical target on the specific confidential activities na pag-gagamitan nila no’ng kanilang fund or confidential funds,” ani Wamil.

Nagsilbi si Duterte bilang kalihim ng DepEd mula Hunyo 2022 hanggang sa kaniyang pagbibitiw noong Hulyo 2024. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here