MANILA, Philippines — Nakaranas umano ng bullying ang 14-anyos na estudyanteng inakusahan sa pananaksak at pagkamatay ng kaniyang 13-anyos na kaklase dahil sa P10 na sukli, ayon sa National Capital Region Police Office nitong Martes.
Sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na sumailalim na sa inquest proceedings para sa kasong murder ang child in conflict with the law at nasa kustodiya na ito ng Bahay Pag-asa.
“Ayon po sa kanyang kwento, sa pagkatanong ng ating mga taga-women’s desk, parang umiiwas po siya or may prior incidents po siya ng bullying. Although hindi po niya nasabi kung sino po yung mga nangbubuli sa kanya,” ani Asilo.
Ayon sa pulisya, nabili ng teenager ang kutsilyo sa isang online platform at ipinadeliver ito sa bahay ng kaniyang pamilya gamit ang sarili niyang pangalan.
Itinago umano niya ang kutsilyo sa loob ng tumbler kaya hindi ito nakita sa isinagawang baggage inspection sa paaralan.
Binigyan umano ng teenager ng P20 ang biktima at inutusang bumili ng tubig sa canteen. Nagkaroon sila ng pagtatalo nang makalimutan ng biktima ang P10 na sukli, bago niya ito sinaksak.
Sinabi ni Asilo na maaaring ikonsidera ng paaralan ang paglalagay ng metal detector. Gayunman, wala umanong nakitang indikasyon ang pulisya na nagpabaya ang pamunuan ng paaralan.
Nagbabala rin siya laban sa agarang pag-uugnay sa insidente sa mental health dahil wala pang opisyal na assessment sa teenager.
Nauna nang sinabi ng Philippine National Police na maaaring kabilang sa mga dahilan ng karahasan sa mga paaralan ang kapaligiran sa pamilya at komunidad, gayundin ang pagkakalantad sa mararahas na content sa social media.
“Hindi lang ang school ang mayroong problema but of course saan ba nanggaling yung bata? And what is the environment that they are into?” ani PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.