MANILA, Philippines — Mahigit 9,300 katao ang naapektuhan ng Tropical Depression Luis at pinaigting na southwest monsoon o Habagat, ayon sa Office of Civil Defense nitong Martes.
Sa situational report nito dakong alas-6 ng umaga, sinabi ng OCD na 9,381 indibidwal o 7,701 pamilya ang naapektuhan sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol at Zamboanga Peninsula.
Sa naturang bilang, 3,682 katao o 1,212 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center.
Wala namang naiulat na nasawi, nasugatan o nawawala, habang umabot sa P1,211,212 ang naipamahaging tulong sa mga apektadong residente.
Nananatiling baha ang 18 lugar sa Ilocos Region, Zamboanga Peninsula at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Tinukoy rin ng OCD ang 398 barangay sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Mimaropa na posibleng tamaan ng landslide at pagbaha dulot ng ulan.
Wala pang naiulat na pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Humina si Luis at naging low-pressure area nitong Lunes, ayon sa PAGASA. RNT