Home HOME BANNER STORY 6 patay kay Maymay – PNP

6 patay kay Maymay – PNP

1
0

MANILA, Philippines – Anim na katao ang nasawi sa mga pagguho ng lupa at pagkalunod dulot ng pinagsamang epekto ng Tropical Storm “Maymay” at pinaigting na southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine National Police nitong Huwebes.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na nasawi ang isang 20-anyos na lalaki at 22-anyos na babae sa insidente ng rockfall at landslide sa Rodriguez, Rizal.

Nalunod naman ang isang 45-anyos na lalaki sa Luna, La Union, habang isang 54-anyos na lalaki ang nasawi rin sa pagkalunod sa Alaminos, Pangasinan.

Sa La Trinidad, Benguet, dalawang lalaki na edad 31 at 66 ang namatay matapos matabunan ng putik ang isang kainan dahil sa landslide, ayon sa Benguet police.

Ayon kay Co, nasa 3,012 indibidwal ang minomonitor ng pulisya sa 55 evacuation centers sa mga apektadong rehiyon.

Kabuuang 877 PNP officers ang ipinakalat para sa disaster response, habang 10,111 pang personnel ang naka-standby.

Samantala, sinabi ng Office of Civil Defense na bineberipika pa nito ang ulat na apat ang nasawi sa landslide sa La Trinidad at rockslide sa Rodriguez.

Ayon kay OCD information officer Diego Mariano, nangyari ang landslide sa La Trinidad dakong alas-9 ng umaga nitong Huwebes, habang naganap naman ang rockslide sa Rodriguez bandang tanghali noong Miyerkules.

“All data are still for validation if incidents are TC (tropical cyclone) and monsoon related, hence not yet included in reports,” ani Mariano.

Patuloy ang search and rescue operations sa dalawang lugar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here