MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte ang pagdalaw niya kina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta at dating House lawmaker Mike Defensor sa Quezon City Jail sa Payatas, at sinabing walang masama sa pagbisita sa mga persons deprived of liberty.
Sa panayam sa Davao City, sinabi ni Duterte na itinuturing niyang mga kaibigan ang tatlong mambabatas at pinayuhan lamang silang magpakatatag at gawin ang makabubuti para sa bansa.
“Wala akong nakikita ang masama sa pagbisita sa mga tao tulad ni PRRD at iba pang mga nasa loob ng detenton. Wala akong nakikita na masama sa pagbisita kay Arnie Tevez, kay Pastor Quiboloy, as I said, President Duterte, Senator Rodante Marcoleta, Senator Jinggoy Estrada, and Mike Defensor,” ani Duterte.
“Kasi kilala ko naman sila and I think kaibigan ko sila. Hindi ko lang alam kung kaibigan nila ako, pero sa tingin ko naman kaibigan ko sila,” dagdag niya.
Ayon sa bise presidente, dapat magpakita ng empathy at sympathy sa mga nakakulong dahil hindi na nila nagagawa ang karaniwan nilang pamumuhay.
Nakitang pumasok noong Martes ang convoy ni Duterte sa Quezon City Jail compound, kung saan nanatili siya nang humigit-kumulang tatlong oras.
Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology na nakausap ni Duterte sina Estrada, Marcoleta at Defensor.
Nahaharap si Estrada sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱537-milyong flood control scam.
Nahaharap din si Marcoleta sa kasong plunder matapos amining tumanggap siya ng ₱75 milyon bilang campaign funds noong siya ay House lawmaker. Hindi umano niya idineklara ang halaga sa kanyang statement of contributions and expenditures para sa 2025 midterm elections.
Inaresto naman si Defensor dahil sa umano’y pagbibigay ng ₱30 milyon mula sa naturang halaga kay Marcoleta. RNT