Home METRO SPD naglabas ng pahayag sa abandonadong kabaong sa Makati

SPD naglabas ng pahayag sa abandonadong kabaong sa Makati

3
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Southern Police District (SPD) ang pagkakadiskubre ng isang inabandonang kabaong sa kahabaan ng Sen. Gil Puyat Avenue, Barangay Bel-Air, Makati City, madaling araw ng Biyernes, Agosto 7. bandang alas-3:50 ng madaling araw noong Agosto 7, 2026.

Batay sa paunang ulat, natagpuan ng isang security guard na nagsasagawa ng regular na pagmamanman sa kanyang nasasakupang lugar ang bakanteng kabaong bandang alas 3:50 ng madaling araw.

Agad siyang humingi ng tulong sa isang Bantay Bayan personnel na kalaunan ay iniulat ang insidente sa Makati City police upang magsagawa ng kaukulang aksyon ang pulisya.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasang may mga litrato ng hindi pa nakikilalang mga indibidwal sa loob ng inabandonang kabaong, gayundin ang isang tarpaulin na may nakasulat na: “Chinese Communist Party (CCP) GREEDY SALOT.”

Agad na siniguro ng mga rumespondeng pulis ang lugar at ang kabaong, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Makati City police katuwang ang Station Explosives and Canine Unit (SECU) at Makati SOCO Team.

Dagdag pa ng SPD na iniimbestigahan ang insidenteng ito kaugnay ng mga naunang ulat ng pagkakadiskubre ng mga inabandonang kabaong sa iba pang lugar sa Metro Manila.

Kasalukuyang nagsasagawa ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng mga insidenteng ito kabilang ang pagkakakilanlan ng mga taong posibleng responsable.

Tiniyak naman ng SPD sa publiko na isinasagawa na ang lahat ng nararapat na hakbang, at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas kaugnay ng mga insidenteng ito.

Hinihikayat din ng SPD ang publiko na agad iulat ang anumang impormasyon o pagkakakita ng mga inabandonang kabaong o iba pang kahina-hinalang aktibidad sa pamamagitan ng pagtawag sa emergency hotline 911 o paglapit sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here