BACOLOD, Philippines – Inaresto ang isang 64-anyos na Chinese national at isang 32-anyos na Filipina sa isang entrapment operation sa Bacolod City matapos makumpiska ang humigit-kumulang ₱470,400 halaga ng umano’y pekeng Maggi Magic Sarap at iba pang pampalasa.
Isinagawa ang operasyon noong Agosto 5 ng CIDG Bacolod, kasama ang iba pang yunit ng pulisya at mga kinatawan ng Nestlé Philippines Inc., matapos magreklamo ang kumpanya tungkol sa malawakang pagbebenta ng pekeng produkto sa lungsod.
Ayon sa CIDG, ibinebenta umano ng mga suspek ang pekeng Maggi sa halagang ₱2,000 hanggang ₱2,500 bawat kahon, mas mababa kaysa sa ₱4,800 na presyo ng tunay na produkto. Gumamit ang isang undercover na pulis ng marked money at boodle money upang makabili ng 30 kahon, na nagresulta sa pag-aresto sa dalawang suspek. May isa pang kasabwat na pinaghahanap pa.
Nakumpiska rin sa operasyon ang 30 kahon ng buy-bust items, 33 sako na may tig-dalawang kahon, isang karagdagang kahon ng pampalasa, at 35 kahon ng iba’t ibang pekeng condiments, pati tatlong cellphone, isang Mitsubishi L300 van, isang Isuzu pickup truck, at ang buy-bust money.
Sinabi ng pulisya na ang mga pekeng produkto ay galing umano sa Maynila at ipinadala sa Bacolod sakay ng cargo vessel bago ibenta online at sa mga lokal na distributor. Kinumpirma ng Nestlé na peke ang mga produkto matapos ang teknikal na pagsusuri sa mga sample na nakuha noong Hulyo 15.
Nagbabala ang CIDG sa publiko na suriing mabuti ang packaging ng Maggi Magic Sarap. Ayon sa kanila, ang tunay na produkto ay may nakaukit na expiration date at malinaw na malalaking titik sa “EGG” at “ALLERGEN INFORMATION,” habang ang pekeng bersyon ay may malansang o hindi kanais-nais na amoy na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Ang dalawang suspek ay nakakulong na sa CIDG Bacolod at nahaharap sa mga kasong trademark infringement at unfair competition sa ilalim ng Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. RNT/MDS