Home NATIONWIDE 10 ‘maleta boys,’ ‘di nakapagpiyansa; nagpalipas ng gabi sa labas ng korte

10 ‘maleta boys,’ ‘di nakapagpiyansa; nagpalipas ng gabi sa labas ng korte

3
0

MANILA, Philippines – Nagpalipas ng gabi sa labas ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) ang abogado at ilang tagasuporta ng 10 inarestong “Maleta Boys” habang hinihintay ang pagpapatuloy ng proseso ng kanilang piyansa noong Sabado ng umaga.

Ayon kay Atty. Levito Baligod, apat sa orihinal na 18 complainant ang nagbawi ng kanilang mga alegasyon.

Sa natitirang 14, 13 lamang ang nakaharap sa Las Piñas RTC Branch 202 noong Biyernes upang magpiyansa. Isa sa kanila ang nasa probinsiya dahil sa burol ng kamag-anak.

Tatlo lamang—Rommel Bobares, Johnny Buduan, at Rodante Orbillio—ang nakapagpiyansa bago magsara ang bangko alas-3 ng hapon. Dahil dito, 10 ang inaresto at dinala sa Las Piñas Police Station matapos hindi makumpleto ang proseso ng piyansa.

Sinabi ni Baligod na wala nang RTC night court sa Metro Manila, kaya’t ipinagpaliban ang kanilang pagpi-piyansa hanggang Sabado ng umaga.

Plano nilang magsumite ng mga kinakailangang dokumento tulad ng proof of residency, barangay certificate, at sketch ng tirahan na pirmado ng barangay captain. Ipinaliwanag din ni Baligod na maaaring magpiyansa ang isang akusado sa ibang korte kahit sa Las Piñas nakabinbin ang kaso.

Kinuwestiyon din niya ang proseso sa Las Piñas RTC, dahil ang parehong mga dokumento ay tinanggap umano sa Caloocan, San Juan, at Muntinlupa kung saan nakapagpiyansa ang ilan sa mga akusado.

Ayon kay Baligod, ₱18,000 ang inirekomendang piyansa sa bawat bilang, at apat na bilang ang isinampa laban sa bawat akusado.

Iginiit din niya na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang Office of the Ombudsman bago isinampa ang mga kasong perjury, kabilang ang hiwalay na pagtatanong ng walong abogado at walkthrough sa Forbes Park.

Sinabi rin ni Baligod na ang apat na nagbawi ng pahayag ay matagal nang umano’y tinatakot at inaalok ng pera, mula ₱5 milyon hanggang ₱25 milyon, upang bawiin ang kanilang mga salaysay.

Ayon sa kanya, labis na nadismaya ang 10 nakakulong na bodyguard sa pagbawi ng apat, at hindi na niya itinuturing ang mga ito bilang mapagkakatiwalaang saksi dahil sa magkakasalungat nilang mga pahayag.

Inihayag din ni Baligod na may mga taong nanghikayat umano sa apat na magbawi ng kanilang pahayag, kabilang ang dalawang retiradong heneral ng PNP na dating namuno sa CIDG, ngunit hindi muna niya pinangalanan ang mga ito. Aniya, maaari silang managot sa obstruction of justice. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here