MANILA, Philippines – Hinihikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kabataan na makiisa at samantalahin ang pagboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.
Mahalaga ang partisipasyon ng mga kabataan sa botohan sa BSKE dahil dito talaga malalaman kung sino ang dapat na mamuno sa bawat komunindad, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia sa Kapihan sa Manila Hotel.
Ang pahayag ni Garcia ay kasunod ng nakuhang datos ng Comelec na tila kakaunti ang bilang ng mga kabataan na nakibahagi sa ginanap na plebisito sa Naga at ParaƱaque City.
Dagdag pa ng poll chief, tila nagiging aktibo at nagkakaroon lamang ng partisipasyon ang karamihan sa mga kabataan kapag malakihan ang eleksyon tulad ng national election.
Panawagan ni Garcia, mas maigi na makibahagi ang mga kabataan dahil importante ang magiging resulta ng bilang ng boto nila para sa mga hinahangad na pagbabago.
Bukod dito, umaasa ang Comelec na pagbibigyan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang hiling na ideklarang special non-working holiday ang Nov. 3, 2026 para magkaroon ng pagkakataon na makaboto at hindi magmadaling umuwi ang mga botante partikular ang mga magbabakasyon sa probinsiya. Jocelyn Tabangcura-Domenden/larawan kuha ni Eric Ocapan







