MANILA, Philippines – Umabot sa 102 pamilya o katumbas ng mahigit 400 indibidwal ang nawalan ng tirahan habang walong aso naman ang namatay sa sumiklab na sunog sa dikit-dikit na kabahayan sa Alvarez at P. Dandan Streets, Pasay City Sabado ng hapon, Agosto 15.
Batay sa paunang ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-2:30 ng hapon sa isang bahay sa P. Dandan Street, Barangay 51, at makalipas lamang ang 30 minuto ay itinaas na ito sa ikatlong alarma dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy kung saan hindi bababa sa 30 fire trucks ang rumesponde sa lugar.
Mabilis na kumalat ang apoy sa 50 kabahayan dahil magkakadikit at pawang maliliit ang mga ito na karamihan ay gawa lamang sa light materials.
Maliban sa walong asong namatay kabilang ang isang husky at mini pinscher ay wala namang ibang naiulat na nasugatan o nasawi na residente sa naturang sunog.
Ayon sa may-ari ng mga namatay na aso na si Mark Enrera, grounded na sa lugar nang sumiklab ang sunog kung kaya’t hindi na nya nagawa pang isalba ang kanyang mga alaga.
Napag-alaman din sa mga residente na ang naganap na sunog ay ikalawang pagkakataon na sa kanilang lugar sa loob lamang ng pitong buwan kung saan naitala ang naunang sunog sa lugar noong Enero 6.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at kabuuang halaga ng pinsalang iniwan nito.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong pamilya ng sunog sa sa gymnasium na nasasakupan ng kalapit na barangay 54 na nagsisilbing evacuation center ng mga biktima.
Samantala, personal namang nagtungo si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano kasama ang kanyang anak na si Konsehal Luigi Rubiano ng Distrito 2 upang mamahagi ng pangunahing pangangailangan ng mga naging biktima ng naturang sunog. James I. Catapusan