MANILA — Magkakaroon ng dagdag-sahod ang 9,364 permanenteng empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila simula Setyembre 1, 2026, matapos ianunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagpapatupad ng ikatlong tranche ng salary increase.
Sa kanyang mensahe sa lingguhang flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Agosto 17, sinabi ni Domagoso na hindi bababa sa apat na porsiyento ang magiging dagdag sa sahod ng mga permanenteng kawani.
Aabot naman sa halos ₱100 milyon ang karagdagang obligasyon ng city government para sa pagpapatupad ng salary increase.
Ayon sa alkalde, nakipagpulong siya kasama ang mga department at bureau head noong nakaraang linggo upang tiyaking maisasagawa sa oras ang third tranche ng salary adjustment.
“We are going to implement on time the third tranche, effective September 1,” ani Domagoso.
Inatasan din ng alkalde ang mga opisyal at empleyado ng lungsod na simulan na ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento upang maipatupad ang dagdag-sahod sa itinakdang petsa.
Ayon kay Domagoso, bagama’t limitado ang fiscal resources ng lungsod, patuloy na natutugunan ang mga pangangailangan at programa nito sa pamamagitan ng maayos, masinop at epektibong paggasta.
Binati ng alkalde ang 9,364 empleyado at sinabi niyang mahalaga ang kanilang papel sa pagpapatupad ng mga programa at pangmatagalang proyekto ng pamahalaang lungsod.
Hinimok din niya ang mga kawani na manatiling malusog at mahusay sa kanilang trabaho, lalo na sa gitna ng patuloy na pangangailangan ng mga Manilenyo sa serbisyo publiko.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Domagoso ang mga empleyado na mag-ingat ngayong tag-ulan. Sinabi niyang maaaring magtungo ang mga nangangailangan ng Doxycycline bilang preventive measure laban sa leptospirosis sa mga clinic at health center ng lungsod.
Ang salary adjustment ay sasaklaw sa lahat ng 9,364 permanenteng empleyado ng Manila LGU. Ang kaukulang pondo para dito ay isusumite sa Manila City Council para sa pag-apruba at appropriation. JAY Reyes