MANILA, Philippines -INATASAN ng Malakanyang ang mga tanggapan ng gobyerno na lumipat at magpatupad ng wastong alternative work arrangements sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigang gaya ng Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, at Occidental Mindoro, simula alas-12:00 ng tanghali, ngayong araw ng Lunes, Agosto 17, 2026.
Ito ang nakasaad sa MEMORANDUM CIRCULAR NO. 127, sa rekumendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, at Heavy Rainfall Warnings na ipinalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay ng patuloy na pagbuhos ng ulan na may kasamang Southwest Monsoon.
Nakasaad pa rin sa MC No. 127, na ang mga ahensiya na may kinalaman sa paghahatid ng pangunahin at serbisyong pangkalusugan, paghahanda/ pagtugon sa mga disaster at kalamidad, at/ o pagganap sa mahalagang sebisyo ay magpapatuloy ang operasyon at paghahatid ng kinakailangang serbisyo.
Sa kabilang dako, maliban na lamang kung ipag-uutos ng kani-kanilang Local Chief Executives, ang alternative learning modes para sa mga klase sa lahat sa pampubliko at pribadong eskuwelahan ay dapat na ipatupad sa mga nasabing lugar.
Ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/ o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang lugar ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executives, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.
Ang suspensyon ng trabaho o adopsyon ng alternative work arrangements sa pribadong sektor ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng namamahala rito.
Ang nasabing Circular ay kagyat na magiging epektibo.
Ang nabanggit na MC ay nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto na may pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. KRIS JOSE