MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Kongreso na dapat magamit ang panukalang P7.2 trilyong pambansang badyet sa pagpapahusay ng pamumuhay ng ordinaryong Filipino at hindi dapat pagkukunan ng kita ng iilan sa gobyerno o pulitiko.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food security and agrarian reform, na dapat mapahusay ang pamumuhay ng partikular na mahihirap na pamilya, magsasaka, mangingisda at kabataan.
Iginiit ni Pangilinan na dapat magamit ang pambansang badyet sa kongkretong pagbabago sa pang-araw-araw na pamumuhay ng Filipino kabilang ang pagtataas ng kita sa magsasaka at mangingisda, magpababa sa presyo ng pagkain, magkaroon ng nutritioys food, disenteng hanapbuhay at de kalidad na edukasyon sa kabataan at batang Filipino.
“Ang sukatan ng P7.2-trillion budget ay hindi kung gaano ito kalaki, kundi kung naabot nito ang mga ordinaryong Pilipino at naiaangat sila mula sa kahirapan,” aniya.
“Dapat ramdam ito sa hapag-kainan, sa kita ng magsasaka at mangingisda, sa paaralan ng ating mga anak, at sa pang-araw-araw na buhay ng bawat pamilyang Pilipino,” dagdag ng senador.
Aniya, dapat makatanggap ng sapat at epektibong suporta ang agrikultura at pangisdaan na lumilikha ng pagkain, na kumita ng disenteng kita habang nabibigyan ng benepisyo para sa matatag at abot-kayag suplay ng pagkain.
“Food security begins with empowering the country’s food producers—the farmers and fisherfolk—making sure that food prices remain affordable to Filipinos,” ani Pangilinan.
Giit niya, hindi dapat mapunta ang badyet sa bulsa ng middlemen at kontraktor.
“Strengthening domestic food production will make nutritious food more accessible to poor families, particularly children who are vulnerable to hunger, malnutrition, and stunting,” ayon sa senador.
“Investments in nutrition must go hand in hand with investments in education, emphasizing that children cannot fully learn and reach their potential if they go to school hungry and without adequate support,” giit pa niya.
Aniya: “Dapat magmatiyag ang taong bayan at dapat ang gobyerno ay open at willing sagutin ang mga katanungan tungkol sa paggasta ng budget. Ang pondo ng bayan ay dapat gastusin sa kung ano ang kailangan ng mga Pilipino—hindi para palakihin ang bulsa ng iilan.”
Sinabi pa ng senador na dapat magkaroon ng mas malakas na transperancy at accountability mechanism upang maiwasan ang pagsasayang, corruption, overprice na proyekto at pabor sa piling kontraktor.
“Hindi lang dapat nakalista ang mga proyekto at hindi lang puro nasa kontrata ang perang nagastos at nagagastos. Dapat nakikita ito at nararamdaman ng taong bayan. Pagod na pagod na ang mga kababayan natin sa mga ghost at substandard na projects, sa kawalan ng serbisyo, at sa pangaabuso sa pera at kapangyarihan,” aniya.
“And budget na ito ay para sa bayan at para sa Pilipino kaya nananawagan ako sa ating mga kababayan na magbantay, magtanong, at mag-ingay para ang gobyerno ay matakot na kayo’y lokohin, nakawan, at abusuhin,” diin ni Pangilinan. Ernie Reyes