BAGUIO CITY, Philippines – Nagbabala si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga residente tungkol sa posibleng soil erosion at landslide dahil sa halos 17 araw nang tuloy-tuloy na pag-ulan sa lungsod.
Ayon kay Magalong, lubhang nababad na sa tubig ang lupa. Pinayuhan niya ang mga nakatira malapit sa mga dalisdis na bantayan ang kanilang paligid para sa mga bitak o senyales ng paggalaw ng lupa at agad ireport ang anumang panganib sa 911.
Nakapagtala na ang Baguio ng mahigit 1,490 millimeters na ulan mula Agosto 1 hanggang 10, higit na mataas sa karaniwang buwanang average na nasa 963 millimeters lamang.
Sa kabila nito, sinabi ni Magalong na hindi pa kailangang magdeklara ng state of calamity dahil mayroon pang sapat na pondo ang lungsod para tumugon sa epekto ng mga pag-ulan.
Binanggit din niya ang tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian, para sa mga residenteng naapektuhan sa Guisad Surong.
Batay sa weather advisory, makararanas ang Benguet, kabilang ang Baguio City, ng malakas na ulan (Orange Rainfall) mula Agosto 17 hanggang 19, na maaaring umabot sa 100 hanggang 200 millimeters. RNT/MDS