Home NATIONWIDE VP Sara impeachment, tuloy; walang political trade-off – Barbers

VP Sara impeachment, tuloy; walang political trade-off – Barbers

1
0

MANILA, Philippines — Itutuloy ng House prosecution panel ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte at iginiit nitong walang kinalaman ang prosekusyon sa anumang sinasabing “political trade-off” kaugnay ng kanyang posisyon at planong pagtakbo sa 2028 presidential elections.

Ito ang sinabi ni House prosecution adviser at spokesperson Robert Ace Barbers kasunod ng mga umuugong na ulat na umano’y humiling si Duterte ng pribadong pakikipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang talakayin ang posibilidad ng kanyang pagbibitiw kapalit ng pagkakataong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.

Nilinaw ni Barbers na anumang ganitong usapang politikal, kung mayroon man, ay hindi bahagi ng mandato ng prosecution panel.

“Well, as far as the prosecution panel is concerned, nandito tayo sa proseso ng pagpapalabas ng katotohanan and accountability,” ani Barbers.

Aniya, trabaho ng prosecution panel na ipagpatuloy ang paglilitis, iharap ang mga ebidensya at tiyaking nauunawaan ng publiko ang mga ito.

“So, kung mayroong mang usapin tungkol dyan sa mga trade-offs, yan po ay wala sa prosecution panel because ang task ay ipagpatuloy itong paglilitis, ipresenta ang mga ebidensya at siguruhin na naiintindihan ng ating mamamayan kung ano-ano itong mga ebidensyang ito,” dagdag niya.

Nanatili namang walang kumpirmasyon ang umano’y kahilingan ni Duterte na magkaroon ng private meeting kay Marcos.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes na walang impormasyong natanggap ang Malacañang na makapagpapatunay na humiling o nagkaroon ng naturang pagpupulong ang dalawang opisyal.

“Wala po tayong makukumpirma patungkol diyan dahil wala namang binababa sa ating anumang impormasyon kung mayroon ngang ganyang kaganapan. Sa ngayon, wala tayong makukumpirma,” pahayag ni Castro.

Ayon sa Palasyo, kung sakaling magkaroon ng kahilingan para sa pag-uusap, bukas si Marcos sa pakikipag-usap sa sinuman, ngunit nilinaw nitong hindi partikular na pahayag iyon para kay Duterte.

Wala ring inilabas na kumpirmasyon mula kay Duterte na humiling siya ng naturang private meeting o nag-alok na magbitiw kapalit ng anumang political arrangement.

Noong Hulyo 27, tahasan pang sinabi ni Duterte na hindi siya magbibitiw bilang bise presidente dahil itinuturing niya itong pagtataksil sa mahigit 32 milyong botanteng naghalal sa kanya.

Sinabi naman ni House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria “Bel” Zamora na hindi dapat agad ituring na katotohanan ang mga impormasyong umiikot lamang sa social media hangga’t walang kumpirmasyon.

Nakatakda sanang magpatuloy ang impeachment trial habang hinahangad ng prosecution na patunayan ang mga paratang laban kay Duterte. Nauna nang inanunsyo ng bise presidente noong Pebrero ang kanyang intensiyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, dahilan upang magkaroon din ng malaking implikasyon sa kanyang political future ang magiging resulta ng impeachment proceedings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here