Home METRO 12 fixer, arestado; 2 LTO inalis sa pwesto sa Pasay

12 fixer, arestado; 2 LTO inalis sa pwesto sa Pasay

15
0

MANILA, Philippines — Arestado ang 12 indibidwal, kabilang ang dalawang tauhan ng Land Transportation Office (LTO), sa entrapment operation laban sa umano’y illegal fixing activities sa Pasay City.

Isinagawa ang operasyon noong Agosto 14 ng LTO Law Enforcement Service–Field Enforcement Division katuwang ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police at Pasay City police. Kinumpirma rin ng LTO sa opisyal nitong social media page ang pagkakaaresto sa 12 katao, kabilang ang dalawang opisyal mula sa Pasay District Office.

Kasunod nito, iniutos ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na alisin muna sa kanilang puwesto ang dalawang tauhan habang isinasagawa ang administrative investigation.

“Hindi kami magbubulag-bulagan sa ganitong gawain. Alam namin kung paano kumikilos ang mga fixer, kabilang ang mga empleyado ng LTO na maaaring nasasangkot dito,” ani Lacanilao.

Ayon sa LTO, bahagi ang operasyon ng kampanya nitong linisin ang ahensya laban sa fixing at iba pang katiwalian sa ilalim ng 7-Point Reform Agenda ng pamunuan.

Patuloy pang iniimbestigahan ang mga naaresto at ihahain ang kaukulang reklamo laban sa mga mapatutunayang sangkot sa illegal fixing activities.

Hinikayat din ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at ireport ang mga kahina-hinalang gawain o empleyadong posibleng sangkot sa iligal na transaksyon.

Iginiit ng ahensya na palalawakin pa nito ang anti-fixing operations katuwang ang iba pang law enforcement agencies upang mapanagot ang mga sangkot at mapanatili ang maayos at malinis na serbisyo sa publiko. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here