MANILA, Philippines — Itinutulak ng ilang senador ang pagrepaso sa juvenile justice law at paghihigpit sa pag-access ng mga menor de edad sa baril kasunod ng madugong pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University nitong Martes, Agosto 18.
Nanawagan si Sen. Francis “Chiz” Escudero na repasuhin ang Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 upang matukoy kung may mga puwang sa pagpapatupad nito, lalo na sa harap ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga kabataan.
“May nakapaloob mang mekanismo para sa accountability at rehabilitasyon ng mga menor de edad na lumabag sa batas, ngunit kung may mga puwang sa implementasyon, tungkulin nating tukuyin at ayusin ang mga ito,” ani Escudero.
Ayon sa senador, hindi lamang juvenile justice ang dapat suriin kundi maging ang gun safekeeping, seguridad sa mga paaralan, mental health at exposure ng mga kabataan sa marahas na online content at electronic games.
Iginiit naman ni Sen. Loren Legarda ang mas mahigpit na pagpapatupad ng gun laws at safeguards upang matiyak na hindi maaabot ng mga bata at iba pang unauthorized persons ang mga baril.
“We must determine how the firearm used in this incident was obtained. If there are gaps in our laws, then we must close them,” ani Legarda.
Binigyang-diin din niya na may kaakibat na malaking responsibilidad ang pagmamay-ari ng baril, kabilang ang pagtiyak na hindi ito mapupunta sa kamay ng mga menor de edad.
Samantala, nanawagan si Sen. Pia Cayetano na palakasin ang mental health services at school safety measures at higit na pagtibayin ang koordinasyon ng Department of Education, Philippine National Police, Department of Justice, Department of the Interior and Local Government at Department of Information and Communications Technology sa proteksyon ng mga estudyante.
Binanggit din ni Cayetano ang paglalaan ng pondo para sa hanggang 10,000 school counselor positions bilang bahagi ng pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Lumakas ang panawagan para sa pagbabago sa school security at firearm safeguards matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang sinasabing shooter.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano nakuha at naipasok sa paaralan ang mga baril at kung ano ang nagtulak sa estudyante na isagawa ang pamamaril. RNT