Home METRO 2 arestado sa ‘sangla-kolekta’ condo loan scam sa Pasay

2 arestado sa ‘sangla-kolekta’ condo loan scam sa Pasay

1
0

MANILA, Philippines – Dalawang indibidwal ang inaresto makaraang lokohin ang isang mechanical engineer matapos mapasakamay sa mga ito ang ₱300,000 sa isang kasunduan sa pautang na ginamitan ng condominium unit bilang kolateral na hindi naman nila pag-aari sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga inarestong suspek na sina alyas Raymundo, 45, tubong Salog, Hinunungan, Southern Leyte, at alyas Joey, 45, residente ng Pasig City.

Batay sa report na natanggap ni De Sesto, inaresto ang mga suspek dakong alas-11:20 ng gabi noong Agosto 17 sa Texas Roadhouse sa S Maison, Coral Way, Mall of Asia Complex, Barangay 76.

Ayon sa pulisya, ang 33-anyos na biktimang si alyas Jeffrey, isang mechanical engineer at residente ng Bangkal, Makati City, ang nag-report sa insidente matapos niyang matuklasang hindi nakapangalan sa mga suspek ang condominium unit na ginawang kolateral sa kanilang transaksyon.

Ayon kay De Sesto, nakipagkita si Jeffrey sa mga suspek sa isang mall noong Agosto 13 at nagkasundo sa isang pautang na sakop ng isang “Loan Agreement with Condominium Rental Agreement.” Ipinakilala umano sa kanya ang transaksyon bilang isang “sangla-kolekta” scheme kung saan magsisilbing collateral ang condominium unit.

Matapos ibigay ni Jeffrey ang ₱300,000, nagtungo siya sa Tower A ng Sea Residences upang beripikahin ang pagmamay-ari ng Unit 418. Sinabi umano ng condominium management na hindi nakarehistro sa pangalan ng mga suspek ang naturang unit.

Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya si Jeffrey, na nagresulta sa pagsasagawa ng entrapment operation. Ayon sa pulisya, pumayag ang biktima na muling makipagkita sa mga suspek at nag-alok ng karagdagang ₱64,000 sa ilalim ng parehong umano’y investment arrangement.

Nang iabot ni Jeffrey ang marked money, nagbigay siya ng napagkasunduang hudyat, dahilan upang agad na arestuhin ng mga operatiba ang mga suspek.

Narekober mula sa mga suspek ang ₱64,000 na marked money, ilang identification card, isang itim na Redmi 15 Android phone, at isang sky-blue na Realme C51 Android phone.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa custodial facility ng Pasay City police at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o estafa (panloloko) sa Pasay City Prosecutor’s Office.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here