Home NATIONWIDE ACT: “Walang modo” remark ni Castro sa Zambo school shooting, insulto sa...

ACT: “Walang modo” remark ni Castro sa Zambo school shooting, insulto sa mga guro

2
0

MANILA, Philippines — Umalma ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro hinggil sa papel ng ilang guro sa paghubog ng asal ng mga estudyante kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU), at sinabing nakaiinsulto at nakapagpapababa ito ng morale ng mga guro.

Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni ACT chairperson Ruby Bernardo na sa halip na sisihin ang mga guro, kailangan umano nila ng suporta sa gitna ng mababang sahod at mabigat na trabaho.

“Hindi kami nagtuturo ng kawalang modo doon sa ating mga estudyante,” ani Bernardo sa panayam, sabay iginiit na ginagawa ng mga guro ang kanilang makakaya sa kabila ng kanilang kalagayan.

Nauna nang nagpahayag din ang ACT sa sarili nitong social media channels laban sa pahayag ni Castro at kinuwestiyon kung bakit tila itinuturo sa mga guro ang responsibilidad sa usapin ng karahasan sa paaralan.

Sa Palace press briefing noong Martes, sinabi ni Castro na bukod sa mga magulang ay dapat ding magabayan ang mga kabataan sa paaralan. Binanggit din niya na may ilang guro umanong lumalabag sa wastong asal at nagtuturo sa mga estudyante kung paano maging “walang modo.” Ang pahayag ay ginawa kasunod ng insidente ng pamamaril sa AdZU Junior High School campus.

Nanawagan naman si Bernardo sa Department of Education (DepEd) at kay Education Secretary Sonny Angara na suportahan at ipagtanggol ang mga guro.

Ayon pa sa ACT official sa panayam ng GMA News, nakapagtala umano sila ng siyam na insidente ng karahasan sa paaralan mula nang magsimula ang kasalukuyang school year.

Hiniling niya sa administrasyong Marcos at Kongreso na maglaan ng sapat na pondo para sa pag-iwas sa school violence, kabilang ang pagdagdag ng mental health at security personnel sa mga pampublikong paaralan.

Iginiit din ng grupo na kailangang masusing imbestigahan kung paano nakakakuha ng baril ang mga menor de edad na sangkot sa mga insidente ng karahasan sa paaralan.

Kasunod ng pamamaril sa Zamboanga City, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa insidente at pagtukoy ng mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan. Sinabi rin ng DepEd na nakikipag-ugnayan ito sa mental health partners upang makapagbigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga apektado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here