Home NATIONWIDE Pamahalaan nakaantabay sa mga lugar na apektado ng Habagat – Malakanyang

Pamahalaan nakaantabay sa mga lugar na apektado ng Habagat – Malakanyang

2
0

MANILA, Philippines – WALANG hinto ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga hakbang sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng sunud-sunod na pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa, alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhing ligtas ang mga residente sa gitna ng walang tigil na pag-ulan.

Sa press biefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sa tulong ng mga estero rangers at river warriors ng Department of Environment and Natural Resources at partner organizations, mas lalo pang pinaigting ng DENR, sa pangunguna ni Secretary Juan Miguel Cuna, ang paglilinis at pagbabantay sa mga ilog, estero, drainage system at baybaying lugar.

Ang DPWH naman aniya, sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, ay patuloy ang pag-iikot sa mga lugar na binaha upang agad na alamin ang kondisyon ng mga apektadong lugar at malapatan ng solusyon.

Ipinag-utos din ani Castro ng Pangulo sa DPWH na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Quezon City upang maiayon ang flood control master plan ng lungsod upang lalo pang bumilis ang paghupa ng baha sa lugar.

Pinaalalahanan naman ng DILG, sa pangunguna ni Secretary Jonvic Remulla, ang ilang regional and provincial directors at mga LGU sa mga apektadong lugar na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council upang bantayan ang sama ng panahon.

Pinaalalahanan din ang lahat na maging alerto at magbantay upang maiwasan ang disgrasya sa mga apektadong residente.

Nakatutok din aniya ang DOH, sa pangunguna ni Secretary Edwin Mercado, sa posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis dulot ng malawakang pagbaha.

Kaugnay nito, nananatiling operational at sapat ang supply ng mga pasilidad ng DOH habang nakataas ang code white alert sa mga apektadong centers for health development, at patuloy naman ang pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nakaabang din ang nasa 3.1 million doxycycline capsules ng DOH central office at sa 17 CHDs, sapat ang supply ng gamot para tumugon sa pangangailangan ng mga ospital at lokal na pamahalaan.

Ayon sa DSWD, sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian, umabot na sa halos 800 million pesos ang humanitarian assistance na inilabas ng pamahalaan sa gitna ng sunud-sunod na pag-ulan, habang nasa 2.3 million pesos na financial assistance ang ipinaabot sa mga apektadong residente.

Kaya nga aniya nanatiling handa ang DSWD para maghatid ng tulong sa mga binahang residente. Sa kasalukuyan ay nasa 832 million pesos ang standby funds ng pamahalaan sa buong bansa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here