Home HOME BANNER STORY Castro ‘di hihingi ng tawad sa mga guro: Pahayag paalala, ‘di paninisi

Castro ‘di hihingi ng tawad sa mga guro: Pahayag paalala, ‘di paninisi

2
0

MANILA, Philippines – HINDI napilit si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na “mag-sorry” sa mga guro matapos niyang sabihin na bukod sa mga magulang ay dapat ding magabayan ang mga kabataan sa paaralan.

Binanggit din ni Castro na may ilang guro umanong lumalabag sa wastong asal at nagtuturo sa mga estudyante kung paano maging “walang modo.” Ang pahayag ay ginawa kasunod ng insidente ng pamamaril sa AdZU Junior High School campus.

Para kasi sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), ang pahayag na ito ni Castro ay nakaiinsulto at nakapagpapababa ng morale ng mga guro.

“Hindi tayo puwede rito magkaroon ng sorry for the word, ayaw kong magkaroon ng additional na pang-iintriga dito dahil muli gusto kong linawin, naiintindihan ko po kung saan nanggagaling iyong mga guro at wala po tayong sinabi na sila ang dapat sisihin. Ipinapakita lamang po natin kung gaano kalaki iyong kanilang role bilang pangalawang magulang sa ating mga kabataan,” aniya pa rin.

“Iniisip ko saan ba dapat na sabihin kong mali ako? Sa ngayon po…iniisip ko dahil maliwanag iyong aking pagkakasabi, nagkaroon lang ng maling konteksto noong sinabi ng ACT Teachers na sinisisi ko ang mga guro. Wala po akong sinabi na sila ang may kasalanan. Kahit ulit-ulitin po nila iyong aking sinabi, iyan po ay pagpapaalala lamang na sila po ay mga iginagalang na mga guro na maghuhubog ng tamang kaugalian sa ating mga kabataan,” dagdag na wika nito.

Para kay Castro, ang dapat na magbigay ng paumanhin ay iyong nagbigay ng maling konteksto sa kanyang sinabi dahil maraming nagsasabi na walang guro na nagturo ng mali.

“Ipinakita ko po sa inyo ngayon ang mga guro na nagkaroon ng pagkakamali at iyon din ang ayaw nating pamarisan pa ng iba pa nating mga kababayan,” ang tinuran ni Castro.

Bagama’t hindi humingi ng sorry, binigyang diin ni Castro na kinikilala naman niya ang nasaktan na damdamin ng mga ito.

“At gusto kong ipaliwanag kung saan maaaring nanggaling iyong sama ng loob nila dahil never po ako nanisi ng guro, maliwanag po iyong sinabi natin,” anito.

“So, sa mga nagdaramdam, ito po ang aking ipinaliwanag sa inyo para po maibsan iyong inyong sama ng loob kung mayroon po kasi dapat ilagay lang po natin sa tamang konteksto iyong nangyari,” aniya pa rin.

Samantala, muling iginiit nito sa ACT Teachers Partylist na ang kanyang mga naging pahayag ay hindi paninisi.

“Sana ilagay po natin sa tamang konteksto ang aking sinabi,” ang pakiusap ni Castro sabay sabing “Hindi ito pag-atake sa mga guro. So, simple lamang po, ang ating mga guro maaari po nating turuan ang ating mga estudyante kung paano magbigay nang tamang pagpapahayag. Kung mayroon silang sasabihin against the government, karapatan po iyan pero iba po ang pagtuturo ng freedom of expression at iba rin po ang pagtuturo kung papaano ito isasagawa nang walang pang-iinsulto at walang pakita ng maling pag-uugali.”

Kaya nga aniya, kahit sino pa aniya ang maging Pangulo ng bansa, ang aral na ito ay dapat na manatili sa lahat.

“So, siguro tanungin na lang po natin ang ACT Teachers Partylist, sa ganitong naipakita natin na nangyari na mga paglabag noong ibang mga guro – hindi po lahat ha, never kong sinabi na lahat. Ano po ba kaya ang nagawa nila para mas maiangat natin ang tamang kaugalian sa ating mga kabataan? Tingnan po natin kung nakondena ba nila itong isang teacher o iyong ibang mga teachers na nagsagawa ng ganitong pagtuturo ng maling asal sa ating mga estudyante,” ang litaniya ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here