INANUNSYO ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ang mga kongresman na sinampahan na ng kaso sa Sandiganbayan at iba pang isinasailalim sa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng P1.3-P1.7 trilyong kikbakan sa mga flood control project sa unang mga taon ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi ni Clavano na karamihan ang may conflict of interest batay sa direkta o hindi direktang may kaugnayan sa mga proyekto na ginawa sa kani-kanilang mga lugar o ibang lugar sa pamamagitan ng pagmamay-ari o ibang interes sa mga kompanyang sangkot sa mga proyekto.
Nakasampa na ang mga kaukulang kaso, karaniwang paglabag sa Anti-Corruption Law o Republic Act 3019, sa Sandiganbayan laban kina Rep. Noel Rivera, ng Tarlac at James Jojo Ang, ng Uswag Ilonggo Partylist.
Nagpiyansa na si Rivera para sa siyam niyang kaso habang may arrest warrant na si Ang.
Ginagawan na ng resolusyon ng OMB ang kaso nina Reps. Aurelio “Dong “ Gonzales, ng Pampanga at Quilio Angeles, ng Tarlac.
Ito namang sina Surigao del Sur ex-Rep. Johnny Pimentel, ngayo’y governor; Rep. Eric Yap, ng Benguet at resigned Edvic Yap, ng ACT-CIS partylist, ay nasa preliminary investigation naman.
Nagkaroon ng substandard na proyekto sila sa La Union at lahat ng ari-arian nila’y naka-freeze na o hindi nila magagamit sa ngayon.
Nasa preliminary investigation din si Rep. Edwin Gardiola, ng CWS partylist, sa kasong malversation na higit sa P8.8M at kinasuhan ito sa bisa ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 10951 kaya hindi makapagpiyansa.
Gayundin na nasa preliminary investigation si ex-Speaker Martin Romualdez sa mga kasong plunder, bribery, graft at money laundering.
Ang masaklap, isasama sa kaso ni Romualdez ang 18 ex-Marines, kasama ang apat dito na bumawi ng kanilang mga affidavit laban kay Romualdez.
Tanong: Nasaan ang ibang mga dineliberan ng ex-sundalo na taga-Palasyo at ang 150 kongresman na kumikbak sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya?






