Home METRO 2 iskul sa NegOr, nagsuspinde ng klase sa kumalat na banta

2 iskul sa NegOr, nagsuspinde ng klase sa kumalat na banta

2
0

NEGROS ORIENTAL — Pansamantalang nagsuspinde ng klase ang dalawang paaralan sa Bais City nitong Miyerkules, Agosto 19, matapos kumalat ang magkahiwalay na banta sa social media at text messages na nagdulot ng pangamba sa mga estudyante at kawani.

Kabilang dito ang Negros Oriental State University (NORSU)-Bais Campus at Bais National High School, kung saan inilikas ang mga estudyante, guro at iba pang personnel bilang pag-iingat habang nagsagawa ng beripikasyon ang pulisya.

Sa NORSU-Bais, kumalat umano ang isang Facebook post na nagsasabing may estudyanteng nagpaplanong manakit ng guro at ilang kaklase matapos bumagsak sa tatlong asignatura.

Ayon sa Philippine News Agency, sinabi ni Negros Oriental Police spokesperson Capt. Stephen Polinar na lumalabas na pekeng account ang pinagmulan ng post. Nakikipag-ugnayan na umano ang mga awtoridad sa Cyber Crime Unit upang matukoy kung sino ang nasa likod nito.

Samantala, napatunayang hindi totoo ang hiwalay na ulat na may dalang baril ang isang Grade 7 student sa Bais National High School. Ayon sa pulisya, walang nakitang firearm, gun o maging laruang baril sa estudyante nang ito ay siyasatin.

May kahalintulad ding mensaheng kumalat sa Bayawan City na nagbabala umano sa mga estudyante na huwag pumasok dahil sa sinasabing shooting threat sa isang senior high school.

Sinabi ng pulisya na natukoy na ang hindi bababa sa dalawang indibidwal na nagbahagi ng mensahe sa publiko, bagama’t nabura na ang kanilang mga post.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na tiyaking beripikado muna ang impormasyon bago ito i-share, lalo na kung maaari itong magdulot ng takot o panic.

Nagbabala rin ang pulisya na maaaring maging basehan ng reklamo ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na nagdudulot ng pangamba sa publiko. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here