Home METRO Pagpasok ng pork products sa Catanduanes, ipinatupad vs ASF

Pagpasok ng pork products sa Catanduanes, ipinatupad vs ASF

1
0

CATANDUANES — Pansamantalang ipinagbawal ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes ang pagpasok ng mga buhay na baboy, karne ng baboy at iba pang pork by-products bilang pag-iingat laban sa African swine fever (ASF).

Nilagdaan ni Gov. Patrick Alain Azanza nitong Agosto 19 ang Executive Order No. 59, Series of 2026, na agad ding nagkabisa.

Sakop ng pagbabawal maging ang mga produktong baboy na personal na dala ng mga pasaherong papasok sa lalawigan. Ang mga mahuhuling shipment o produktong sakop ng kautusan ay ibabalik sa pinanggalingan, habang maaaring managot ang mga lalabag alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Paiigtingin ang inspeksiyon sa mga pangunahing entry point ng Catanduanes, kabilang ang Virac Seaport and Airport, San Andres Seaport at Bislig Sub-port. Magtatatag din ng checkpoints ang mga lokal na pamahalaan katuwang ang Provincial Veterinary Office at iba pang kinauukulang ahensya.

Inatasan din ang provincial, municipal at barangay ASF task forces na bantayan ang mga alagang baboy para sa posibleng sintomas ng sakit at agad i-report ang mga hindi pangkaraniwang pagkamatay para sa validation at laboratory testing.

Ipinatupad ang hakbang kasunod ng pagkakatala ng ASF cases sa ilang lugar sa Camarines Sur, kabilang ang Iriga City, Naga City at Nabua. Ayon sa Department of Agriculture-Bicol, naitala ang mga kaso sa mga naturang lugar noong huling bahagi ng Hulyo at unang bahagi ng Agosto.

Ang ASF ay isang nakahahawang viral disease na tumatama sa domestic at wild pigs. Hindi ito banta sa kalusugan ng tao ngunit maaari itong magdulot ng malawakang pagkamatay ng baboy at malaking pinsala sa hog industry. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here