Home NATIONWIDE Developer na ‘di tumupad sa obligasyon, dapat magsauli ng bayad — SC

Developer na ‘di tumupad sa obligasyon, dapat magsauli ng bayad — SC

3
0
Supreme Court

MANILA, Philippines — Inatasan ng Korte Suprema ang real estate developer na Empire East Land Holdings, Inc. na ibalik ang P130,000 na ibinayad ng isang buyer at magbayad pa ng P260,000 exemplary damages matapos mabigong mag-isyu ng Contract to Sell sa kabila ng pagtanggap ng bayad.

Sa desisyon ng Third Division noong Pebrero 3, 2026, ibinasura ng Korte ang petition for review on certiorari ng Empire East at pinagtibay, na may pagbabago sa damages, ang naunang mga desisyon ng Court of Appeals at Human Settlements Adjudication Commission (HSAC).

Nagsimula ang kaso noong 2010 nang magbayad si John Edrem Bautista ng P20,000 reservation fee para sa isang residential unit matapos umano siyang sabihan ng sales agent na maglalabas ng Contract to Sell pagkatapos ng bayad. Nagdagdag pa siya ng P110,000 ngunit hindi naibigay ng developer ang naturang kontrata.

Iginiit ng Empire East na hindi sapat na batayan para sa refund ang hindi pag-isyu ng Contract to Sell. Sinabi rin nitong hindi ito dapat managot sa representasyon ng sales agent maliban kung nakasulat at kinumpirma ng awtorisadong opisyal ng kumpanya.

Bagama’t hindi sinang-ayunan ng Korte Suprema ang lower courts na maituturing na “advertisement” sa ilalim ng Presidential Decree No. 957 ang pangako ng sales agent sa isang indibidwal na buyer, sinabi nitong may karapatan pa rin si Bautista sa refund sa ilalim ng Civil Code.

Ayon sa Korte, nagkaroon ng reciprocal obligation sa reservation agreement: obligasyon ni Bautista na magbayad ng reservation fee, habang obligasyon naman ng Empire East na mag-isyu ng Contract to Sell.

Dahil hindi natupad ng developer ang obligasyon nito kahit lumipas na ang mahigit isang taon, maaaring ipawalang-bisa ang kasunduan at maibalik sa buyer ang buong P130,000 na kanyang naibayad, batay sa Articles 1191 at 1385 ng Civil Code.

Nagpasya rin ang Korte na magbigay ng P260,000 exemplary damages, katumbas ng dalawang beses ng hinihinging refund.

Binigyang-diin ng SC na maaaring magpataw ng exemplary damages kapag ang isang partido sa kontrata ay kumilos nang “wanton, fraudulent, reckless, oppressive, or malevolent.” Pinuna rin nito ang matagal na proseso ng apela na umabot nang halos 16 taon mula nang magsimula ang transaksyon, gayong P130,000 lamang ang orihinal na hinihinging refund.

Bukod sa refund at exemplary damages, iniutos ng Korte na lagyan ng 6% interest kada taon ang P130,000 mula nang ihain ang reklamo noong Agosto 2, 2012. Ang kabuuang monetary award ay magkakaroon din ng legal interest na 6% kada taon mula sa pagiging final ng desisyon hanggang sa ganap itong mabayaran.

Ang desisyon sa Empire East Land Holdings, Inc. v. John Edrem Bautista, G.R. No. 272556 ay isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here