MANILA, Philippines — Tatlumpung posibleng lokasyon sa Metro Manila ang tinukoy ng pamahalaan para pagtayuan ng mga underground cistern na magsisilbing imbakan ng tubig-baha bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha sa metropolis.
Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang situation briefing sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Command Center sa Pasig City nitong Agosto 19.
Kabilang sa mga lugar na pinag-aaralan ang Rajah Sulayman, Rizal Memorial at Camp Aguinaldo, ayon sa Pangulo.
Nilinaw na mga potential site pa lamang ang 30 lugar at kailangan pang tapusin ang detailed engineering at pakikipag-ugnayan sa mga nangangasiwa sa mga lugar bago simulan ang paghuhukay at konstruksyon.
Plano ring pag-aralan ng pamahalaan kung paano muling magagamit ang tubig na maiipon sa mga underground storage facility sa halip na direktang itapon sa dagat.
“Gagawa tayo ng sistema para kung anuman ‘yung nakolekta na tubig ay magamit din,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, maaaring pag-aralan ang paggamit ng naipong tubig para sa household, industrial o irrigation purposes.
Bahagi ang panukalang underground cisterns ng mas malawak na flood-management measures ng pamahalaan na kinabibilangan ng dredging, drainage improvements, pumping stations at mobile pumping equipment.
Sinabi ng Malacañang na gumagana na ang lahat ng 73 pumping stations na mino-monitor, habang 11 mobile pumping units ang ginagamit din sa flood-control operations.
Binigyang-diin din ni Marcos ang pangangailangang maghanda para sa mas matitinding pag-ulan matapos makapagtala ng humigit-kumulang 201.7 millimeters ng ulan sa loob lamang ng limang oras, na aniya’y katumbas ng halos 44 porsiyento ng rainfall na naitala noong Bagyong Ondoy sa loob ng 24 oras.
Sinabi ng Pangulo na kailangang ipagpatuloy ang short-, medium- at long-term flood-control interventions habang humaharap ang Metro Manila sa mas matinding pag-ulan dulot ng nagbabagong klima. Dave Baluyot