Home NATIONWIDE Angara: Target sa Zambo shooting, posibleng guro

Angara: Target sa Zambo shooting, posibleng guro

10
0

MANILA, Philippines — Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na isang guro, at hindi ang estudyanteng nasawi, ang orihinal na target ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Gayunman, nilinaw ni Angara na wala pang sapat na ebidensiya upang matukoy kung sino talaga ang target at kung ano ang motibo sa insidente.

Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na batay sa paunang impormasyon, pumasok umano ang student shooter sa dalawang classroom ngunit sa ikalawang silid lamang nagpaputok.

“It is better not to make conclusive remarks while evidence remains unclear,” ani Angara.

Dalawang estudyante, kabilang ang hinihinalang shooter, ang nasawi sa insidente noong Agosto 18. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari, kabilang ang posibleng motibo at online activity ng estudyante.

Nagbabala rin si Angara laban sa agad na pag-uugnay sa bullying, depression o impluwensiya ng online content sa insidente hangga’t hindi pa ito napatutunayan ng imbestigasyon.

Nauna nang sinabi ng kalihim na hindi pa kumpirmado ang mga kumakalat na impormasyon na nabiktima umano ng bullying ang estudyante o na may direktang kaugnayan ang kanyang online activity sa pamamaril.

Kasabay nito, sinusuri rin ng mga awtoridad ang posibilidad ng online influence o grooming ngunit sinabi ni Angara na hindi dapat pangunahan ang resulta ng imbestigasyon.

Isa sa mga baril na ginamit sa insidente ay nakarehistro sa ama ng estudyante, isang Customs police official. Inalis na siya sa kanyang puwesto at isinailalim sa preventive suspension habang iniimbestigahan kung nagkaroon ng kapabayaan sa pag-iingat ng kanyang armas.

Nanawagan naman si Angara sa mga magulang, paaralan at komunidad na mas tutukan ang kalagayan at online interactions ng mga kabataan habang patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga hakbang upang mapigilan ang kahalintulad na insidente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here