Home NATIONWIDE Romualdez maghahain ng supplemental counter-affidavit sa Ombudsman; pagbaliktad ng 25 ex-aides ni...

Romualdez maghahain ng supplemental counter-affidavit sa Ombudsman; pagbaliktad ng 25 ex-aides ni Co, isasama

3
0

MANILA, Philippines – Maghahain ngayong araw ng Supplemental Counter-Affidavit sa Office of the Ombudsman ang kampo ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.

​Ayon sa kanyang tagapagsalita at abogado na si Atty. Ade Fajardo, isasama sa isusumiteng affidavit ang mga sworn statement ng 25 dating driver at security aides ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, pati na ang pagbaliktad at pagbawi ng pahayag ng dating sundalo na si Orly Guteza.

​Pinalagan at direktang pinasinungalingan ng 25 bagong testigo ang mga naunang pahayag ng tinaguriang “18 Maleta Boys” na iniharap ni Atty. Levi Baligod.

​“Ayon sa kanila, walang naganap na anumang delivery ng pera sa sinumang pulitiko o opisyal ng gobyerno, kabilang na si Rep. Romualdez. Hinikayat lamang silang sumali sa isang grupo ng mga testigo kapalit ng pera, at may mga affidavit nang inihanda para sa kanila,” pahayag ni Fajardo.

​Binigyang-diin din ng abogado ang pagbawi ni Guteza sa mga dati nitong akusasyon. Si Guteza ay una nang nagsaad sa Senado na naghatid siya ng mga maleta na naglalaman ng pera kay Romualdez.

​”Si Orly Guteza naman, naglabas rin ng pahayag at idinetalye kung paanong ang mga akusasyon ay ipinilit sa kanya para tanggapin at pirmahan, bilang ‘missing link’ na siya raw mag-uugnay daw kay Rep. Romualdez sa kaso,” dagdag pa ni Fajardo.

​Dahil sa mga panibagong testimonya, iginiit ng kampo ni Romualdez na lumilitaw ang matinding salungatan sa mga kuwento ng mga witness at malinaw na may mga taong nag-udyok at namilit lamang sa kanila para idawit ang dating Speaker.

​“Sa dami ng magkakasalungat na kwento, napaka klaro na walang ebidensya laban kay Rep. Romualdez,” giit ng abogado.

​Nananatili namang kampante ang panig ng dating House leader na mapapatunayang walang basehan ang mga paratang sa oras na matalakay ito sa isang patas na imbestigasyon.

​“We remain confident that in a fair investigating body, mapapatunayan naming walang basehan ang mga akusasyon laban kay Rep. Romualdez,” pagtatapos ni Fajardo. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here