MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang isang viral video na nagpapakita ng ilang menor de edad na umano’y sangkot sa isang gulo sa Blumentritt Street corner Sto. Tomas Street, Manila, noong Martes, Agosto 18.
Agad nagsagawa ng beripikasyon ang mga tauhan ng Sampaloc Police Station matapos matanggap ang ulat tungkol sa kumakalat na video. Pinangunahan ito ni station commander Lt. Col. Bryan B. Sagayadoro.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, nakita nila ang ilang menor de edad na nagkakagulo. Gayunman, nagkanya-kanyang takbo ang mga ito nang mapansin ang mga pulis.
Sa paunang imbestigasyon, walang nasugatan na natagpuan sa lugar at wala ring naiulat o nakitang nasirang ari-arian.
Dalawang menor de edad ang kalaunan ay dinala sa kinauukulang barangay at ipinagkatiwala sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ng Barangay 525 para sa kaukulang intervention at tulong.
Ayon sa MPD, bibigyang-prayoridad ang kapakanan at proteksyon ng mga menor de edad, alinsunod sa batas at child-protection protocols.
Sinabi ni MPD District Director Brigadier Arnold C. Santiago na patuloy silang tutugon agad sa mga ulat ng kaguluhan habang sinisiguro na ang anumang aksyon laban sa mga menor de edad ay naaayon sa batas at sa kanilang kapakanan.
Patuloy pa ang beripikasyon at imbestigasyon upang malaman ang buong pangyayari sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden