TAGUIG CITY, Philippines – Inaresto ng Taguig police nitong Huwebes, Agosto 20, ang pangunahing suspek sa pamamaril sa Pulong Kendi, Barangay Sta. Ana noong Agosto 17 na ikinasawi ng isang lalaki at ikinasugat ng isa pa.
Ayon sa pulisya, 40-anyos ang namatay habang 21-anyos naman ang nasugatan. Dinala sila sa ospital ng mga pulis mula sa Taguig Police Sub-station 4, ngunit idineklarang dead on arrival ang 40-anyos na biktima.
Kinilala ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa alyas “Teter.” Naaresto siya kasama ang limang iba pa sa Barangay Palangoy, Binangonan, Rizal noong Agosto 19.
Natutunton umano ng pulisya ang mga suspek sa pamamagitan ng imbestigasyon at follow-up operations.
Nauna nang itinanggi ng Taguig police ang alegasyong mabagal silang rumesponde sa insidente at nilinaw na walang estudyanteng nasaktan sa pamamaril. RNT/MDS