Home NATIONWIDE Enhanced Anti-Hospital detention Bill, suportado ni Villar

Enhanced Anti-Hospital detention Bill, suportado ni Villar

2
0

MANILA, Philippines – Buong suportang ipinahayag ni Senator Mark A. Villar sa pag-apruba ng Senado sa Senate Bill No. 1511, o ang panukalang Enhanced Anti-Hospital Detention Act, na naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga ospital at medical clinic na ilegal na pumipigil sa paglabas ng mga pasyente at kanilang mga kapamilya dahil sa hindi pa nababayarang hospital bills.

Ayon kay Villar, hindi na dapat dagdagan pa ang paghihirap at kahihiyang dinaranas ng mga pamilyang Pilipino matapos nilang harapin ang mabigat na emosyonal at pinansiyal na epekto ng pagkakaratay sa hospital.

“Hindi dapat maging kulungan ang mga ospital at clinic para sa ating mga kababayang hindi agad makabayad ng hospital bills. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, mas papatawan ng mabigat na parusa ang mga pasilidad na iligal na nagde-detain ng mga pasyente, sanggol, o maging ng labi ng ating mga kababayan,” diin ni Villar.

Pinalalawak ng panukala ang proteksiyon upang masaklaw hindi lamang ang mga pasyente, kundi pati ang kanilang mga kamag-anak, kinatawan, at tagapag-alaga. Tahasan din nitong pinoprotektahan ang mga bagong silang na sanggol na maaaring hindi ipalabas ng ospital, gayundin ang labi ng mga pumanaw na pasyente na hindi pa lubusang nababayaran ng kanilang pamilya ang mga gastusin sa ospital.

Ipinagbabawal din nito ang tinatawag na “palit-ulo” scheme, kung saan pinipilit ang isang kamag-anak, tagapag-alaga, o ibang tao na manatili sa ospital bilang kondisyon sa pagpapalabas ng pasyente. Inilarawan ni Villar ang gawaing ito bilang hindi makatao at nakalalapastangan sa dignidad, lalo na para sa mahihirap at bulnerableng pamilyang nahaharap na sa karamdaman, pagkawala ng mahal sa buhay, at lumalaking gastusing medikal.

Sa ilalim din ng panukala, ang mga opisyal o empleyado ng ospital na mapapatunayang responsable sa ilegal na pagpigil ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱300,000 o makulong nang hanggang dalawang taon at apat na buwan. Samantala, ang mga hospital director o opisyal na nagtatatag o nagpapatupad ng polisiya ng ilegal na hospital detention ay maaaring pagmultahin ng ₱500,000 hanggang ₱1 milyon at makulong nang apat hanggang anim na taon.

Maaari ring bawiin ang lisensiya ng ospital kapag nakapagtala ito ng tatlong paglabag na ginawa alinsunod sa naturang polisiya.
Nilinaw ni Villar na hindi binubura ng panukala ang lehitimong pagkakautang sa ospital at hindi rin nito pinagbabawalan ang mga medical facility na maningil ng hindi pa nababayarang gastusin. Sa halip, inaatasan nito ang mga ospital na gumamit ng legal at makataong paraan ng paniningil.

Maaaring pahintulutan ang mga pasyenteng walang kakayahang magbayad na lumagda sa promissory note na sinusuportahan ng mga garantiya o kasunduang kinikilala ng batas. Maaari ring humingi ang mga kwalipikadong pasyente ng guarantee letter mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Villar na bagama’t kailangang manatiling matatag ang kalagayang pinansiyal ng mga ospital, hindi dapat isakripisyo ang kalayaan, dignidad, at karapatan ng isang tao sa makataong pagtrato para lamang makasingil ng bayarin.

“Hindi makatarungan ang ganitong sistema. Patuloy tayong lalaban para sa makataong serbisyong para sa bawat Pilipino!” pagtatapos ni Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here