Home NATIONWIDE Online trolls ng kampo ni VP Sara, gumagana para sirain House prosecutors...

Online trolls ng kampo ni VP Sara, gumagana para sirain House prosecutors — Kapunan

1
0

MANILA, Philippines – Naka-double time na ngayon ang mga online troll na sumusuporta kay Vice President Sara  Duterte upang idiskredito ang mga miyembro ng House prosecution panel.

​Ito ang inihayag ni private prosecutor Lorna Kapunan sabay giit na bunga lamang ito ng kawalan ng pag-asa ng kampo ng Bise Presidente.

​“Desperate moves from a desperate defense camp,” pahayag ni Kapunan ukol sa pagsusumikap ng mga troll na dominahin ang online discourse at isulong ang narrative na pabor kay Duterte.

​Dahil maging ang mga private prosecutor ay pinupuntirya na rin sa internet, pabirong sinabi ni Kapunan na hindi malayong pati ang kulay ng kanyang sapatos ay gamitin laban sa kanya.

​“Masyado nang maingay ang trolls ngayon,” ani Kapunan.

“So tinitira na ngayon ang mga private prosecutors. Pati nga yung rubber shoes ko, baka sabihin nila katas ng impeachment, ‘yung rubber shoes ko, ‘yung sneakers ko.” giit ni Kapunan.

​Aniya, mas lalong nagiging desperado ang kabilang panig habang gumugulong ang paglilitis.

​Inihalintulad din ni Kapunan ang sitwasyon sa mga posibleng gawa-gawang kuwento na maaari ring ibato laban sa prosecution panel.

​“Uso ngayon ang Maleta Boys, no? Kami naman ay duffle bag. Baka sabihin ‘yung isang duffle bag ay ibinigay ko kay (prosecution spokesman and adviser) Cong. Ace Barbers. Yung isang duffle bag ibinigay ko kay (House Committee on Justice) Chairman (Batangas Rep. Gerville) Luistro. Iyung isa naman ibinigay ko kay (public prosecutor Bicol Saro party-list Rep.) Terry Ridon, kasi siya yung pinakamaingay diyan,” wika ni Kapunan.

​Panawagan ng abogado sa publiko, manatiling nakatutok sa mga totoong isyu ng impeachment trial at huwag magpadala sa mga tinawag niyang “diversionary tactics” ng kampo ni Duterte.

​“I think we should focus on the impeachment case. Obvious na diversionary tactic ang ginagawa ng Office of the Vice President. Ginagawa nilang other narrative,” giit nito.

​Pinuna rin nito ang naging tugon ng kampo ni Duterte sa kasong grave threats na inihain ng Department of Justice (DOJ) laban sa Bise Presidente.

​Ipinaalala ni Kapunan na bagama’t criminal case ang hawak ng DOJ, magkahiwalay itong usapin sa mga paratang sa Impeachment Court na kinabibilangan ng betrayal of public trust, culpable violations of the Constitution, bribery and graft and corruption, at iba pang high crimes. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here