MANILA, Philippines – Magpapakilala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng bagong module para sa Family Development Session (FDS) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang matulungan ang mga magulang na harapin ang mental health at digital challenges ng kanilang mga anak.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, tinawag itong Ad hoc Module on Parenting in the Age of Digitalization at magiging stand-alone module na tututok sa tamang paggamit ng teknolohiya ng mga bata at mas maayos na komunikasyon sa loob ng pamilya.
“Mayroon kaming ihahabol na Ad hoc Module on Parenting in the Age of Digitalization. Mayroon nang bahagyang nagawa; ito ay magiging isang stand-alone module na nakatuon sa kung paano haharapin ang paggamit ng mga bata sa teknolohiya bilang paraan ng komunikasyon sa halip na maging sanhi ng alitan,” pahayag ni Gatchalian sa focus group discussion kasama ang mga municipal link sa Cawayan, Masbate noong Setyembre 28.
Sinabi niyang layunin ng module na tulungan ang mga magulang na maunawaan ang mga isyung maaaring makaapekto sa kapakanan ng kanilang mga anak sa tahanan at paaralan, gayundin kung paano pamahalaan ang paggamit ng mga digital device.
“Kasi kapag kinuha ng mga magulang ang gadget, lalo silang mag-aaway at lalong lalayo ang loob ng bata; kaya iyan ang aming tinututukan—isang stand-alone module na inihahanda namin nang maaga bilang tugon sa mga kasalukuyang pangyayari,” paliwanag ni Gatchalian.
Sapilitan ang buwanang FDS para sa mga benepisyaryo ng 4Ps upang mabigyan sila ng kaalaman sa pagpapalaki ng anak, pagpapalakas ng ugnayan ng pamilya at pakikilahok sa komunidad.
Kasabay nito, patuloy na isinusulong ng DSWD ang digitalisasyon ng 4Ps upang mabawasan ang manu-manong trabaho at reporting ng mga field worker.
“Babaguhin namin ang sistema upang mas mapadali para sa inyo ang paghahatid ng serbisyo. Ang ibig kong sabihin, dapat ay mabawasan ang mga manu-manong ulat at manu-manong pangangalap ng datos upang magkaroon kayo ng mas maraming oras para sa case management, pakikipag-usap, paghahanap ng mga referral pathway, at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya,” sabi ni Gatchalian.
Ang 4Ps ang pangunahing programa ng pamahalaan para sa poverty reduction at human capital investment. Ang mga kwalipikadong sambahayan ay tumatanggap ng cash assistance kapalit ng pagsunod sa mga kondisyon sa kalusugan, nutrisyon at edukasyon. SANTI CELARIO