Home NATIONWIDE Barbers, hinamon si Panelo: patunayang napunta sa classrooms perang natanggap mula sa...

Barbers, hinamon si Panelo: patunayang napunta sa classrooms perang natanggap mula sa China

1
0

MANILA, Philippines – Hinamon ni House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers ang paliwanag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ginamit sa pagpapatayo ng classrooms ang perang natanggap ng Cale88 mula sa China.

Ginawa ni Barbers ang pahayag bilang reaksyon sa paliwanag ni Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte.

Kasunod ito ng testimonya sa impeachment court  tungkol sa ₱319,326,770.41 na remittance mula sa mainland China at Hong Kong na natanggap ng Cale88 Foods Corporation.

May 47.5 porsiyentong interes sa Cale88 hanggang 2024 ang asawa ni Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Tinalakay rin ni Barbers ang perang natanggap ng Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines, isang foundation na iniuugnay kay Duterte.

Giit ni Barbers, kailangang matukoy sa pamamagitan ng mga rekord ang pinagmulan, layunin at nakinabang sa anumang bayad.

“Pero maraming tanong kaysa doon sa sagot na nasa isipan ng ating mga mamamayan,” ani Barbers. “Para saan iyong bayad? Para saan? Para sinong nag-directly benefit out of this? May transaction ba?” tanong niya.

Nilinaw ni Barbers na hindi idinedeklara ng prosekusyon na ilegal ang pagtanggap ng pera dahil lamang galing ito sa China.

“To say na may illegal kaagad siya is wrong, and we will not do that,” paliwanag nito.

Nanawagan ito ng imbestigasyon kung ano ang binayaran, sino ang tumanggap at paano ito ginamit.

“Kaya ang aming panawagan ay magkaroon ng malalimang investigation nang sa ganoon ay makita kung ano ba ito,” ani Barbers.

Ani Barbers, dapat matukoy ng mga rekord ang mga itinayong classroom kung ito ang pangunahing layunin ng pagtanggap ng pera.

“Kung sa Tapang at Malasakit Foundation ay nakatanggap ng ganitong pera para sa classrooms, saan kaya nailagay iyong classrooms? Ilang pirasong classrooms ito at kailan ito nagawa?” tanong ni Barbers.

Ayon sa kanya, masasagot ang mga tanong na ito sa pamamagitan ng mga dokumento tungkol sa pagtanggap at paggastos ng pondo.

“I think these are all valid questions na dapat masagot para mawala iyong pagdududa doon sa perang natanggap ng foundation na ito,” giit pa ni Barbers. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here