BAGUIO CITY, Philippines – Umabot na sa 812 ang naitalang HIV cases sa Baguio City, habang tinututukan ng mga health authority ang tinatayang 500 katao na posibleng may HIV ngunit hindi pa nasusuri o natutukoy.
Ayon kay Dr. Virgilio Clement Bilalat, Medical Officer IV ng City Health Services Office (CHSO), 800 HIV cases ang naitala hanggang Disyembre 2025, habang 12 bagong kaso ang nadagdag mula Enero hanggang Marso.
Lahat ng 12 bagong kaso ay lalaki, karamihan ay kabilang sa men who have sex with men (MSM), at karamihan ay nasa edad 15 hanggang 34.
Batay sa pagtataya ng Department of Health (DOH), maaaring nasa 1,300 ang kabuuang HIV cases sa lungsod, kaya tinatayang 500 ang maaaring hindi pa nadidiyagnose.
Nakikipagtulungan ang CHSO sa mga government at nongovernment organizations upang matukoy ang mga posibleng kaso sa pamamagitan ng community outreach, online platforms at contact tracing.
Nakikipag-ugnayan din ang mga partner organization sa mga posibleng pasyente sa pamamagitan ng Grindr, Tinder at Facebook upang hikayatin silang sumailalim sa HIV testing. Isinasagawa rin ang contact tracing sa mga taong posibleng na-expose sa HIV mula sa mga nagpositibo.
Nagbibigay ang CHSO ng libreng HIV testing at consultation, gayundin ng HIV at sexually transmitted infection (STI) testing at mga lecture sa mga barangay, workplace at iba pang komunidad.
Ayon kay Bilalat, isa sa mga hamon ang kakulangan sa manpower. Plano ng CHSO na kumuha ng karagdagang personnel na tututok sa pagtukoy ng posibleng kaso at pag-uugnay sa mga ito sa testing services.
Patuloy din ang kampanya laban sa stigma at diskriminasyon sa HIV. Binigyang-diin ng CHSO na kumpidensyal ang lahat ng impormasyong nakukuha sa testing at consultation, alinsunod sa batas.
Plano rin ng tanggapan na i-upgrade ang Namnama Center sa pamamagitan ng pagdaragdag ng tambayan o cafe-style area, pagpapalakas ng educational programs at pagpapalawak ng Project Bonjing lectures sa pakikipagtulungan sa mga Sangguniang Kabataan.
Hinikayat ni Bilalat ang mga posibleng na-expose sa HIV na magpasuri at tiniyak na mananatiling kumpidensyal ang kanilang impormasyon. RNT/MDS