BULACAN, Philippines – Arestado ang isang indibiduwal matapos umanong mangholdap ng motorcycle rider sa harapan ng isang punerarya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong umaga ng Agosto 19.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na si alyas “Onie”, 34 habang nakatakas naman ang kanyang kasabwat na si alyas “Tikol”.
Ayon sa ulat ng istasyon, naganap ang insidente bandang 11:35 ng umaga sa Brgy. San Martin IV sa nasabing lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, inaayos ng biktima ang kanyang “kulong-kulong” sa harap ng isang punerarya nang dumating ang mga suspek lulan ng motorsiklo.
Sapilitan umanong kinuha ng mga ito ang wallet ng biktima na may lamang P6,000 at driver’s license at mabilis na tumakas sa lugar.
Nagawa pa umanong mahawakan ng biktima ang back rider subalit pinaharurot ng rider hanggang sa makaladkad ito.
Tiyempo naman nagpapatrulya ang mga Barangay Public Safety Officers sa lugar na nasaksihan ang insidenta kaya agad nakaresponde at nahuli ang isa sa suspek.
Nasamsam sa suspek ang isang wallet na may lamang P6,000, lisensya at Improvised hand gun o pen gun na ginamit sa insidente.
Dinala ang suspek at mga ebidensya sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang kasong robbery at paglabag sa Republic Act 10591. (Dick Mirasol III)