Home HOME BANNER STORY “Copycat” behavior sa marahas na online, TV contents, ibinabala ng DepEd

“Copycat” behavior sa marahas na online, TV contents, ibinabala ng DepEd

1
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Education (DepEd) na hindi lamang social media ang dapat bantayan sa pag-iwas sa karahasan sa mga paaralan dahil maaari ring maimpluwensiyahan ang ilang kabataan ng mararahas na content sa YouTube, telebisyon at maging ng mga insidenteng nagaganap sa ibang bansa.

Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes kaugnay ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City, sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na posibleng magkaroon ng “copycat” behavior o paggaya sa marahas na kilos na nakikita ng mga kabataan.

“Copycat is actually a phenomenon po. Kaya there’s really strong tendency that it can be copied,” ani Garma.

Binanggit niya ang isang shooting incident sa Thailand na kumalat online bago ang insidente sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) Junior High School.

Gayunman, nilinaw ni Garma na walang sapat na batayan ang DepEd upang sabihing ang naturang insidente sa ibang bansa ang nakaimpluwensiya sa pamamaril sa Zamboanga.

Sinabi rin niya na may natanggap na impormasyon ang DepEd na posibleng may impluwensiya ang ilang YouTube content sa naunang insidente sa Tacloban, dahilan upang tingnan ng kagawaran ang mas malawak na exposure ng mga bata sa marahas na materyal.

Hindi rin aniya dapat nakatuon lamang sa internet ang pagsusuri.

Iminungkahi ni Garma na pag-aralan din ang nilalaman ng ilang regular na programa sa telebisyon na umiikot sa galit, paghihiganti at paggamit ng armas, lalo na’t nananatiling malawak ang naaabot ng TV maging sa mga lugar na limitado ang internet connection.

Ang usapin ay bahagi ng mas malawak na pagsusuri ng DepEd sa mga posibleng salik sa school violence kasabay ng pagpapatibay ng threat assessment, psychosocial intervention at iba pang preventive measures sa mga paaralan.

Nauna nang binigyang-diin ng DepEd na hindi lamang seguridad sa loob ng campus ang kailangan upang mapigilan ang karahasan, kundi pati maagang pagtukoy sa mga panganib at suporta mula sa pamilya, komunidad at iba pang sektor. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here